Ipinagmamalaking yaman ng Bohol ang mga Heritage Church nitong itinayo noon pang panahon ng Kastila, ilang siglo na ang nagdaan. Pero sa loob lamang ng ilang segundo, noong Oktubre 15, 2013, winasak ng 7.2-magnitude na lindol ang karamihan sa mga ito. Gumuho ang mga simbahan na tumayong mga tahimik na saksi sa kasaysayan at pananampalataya ng mga Boholano.

BOHOL: PAGBANGON MULA SA LINDOL

Ni Victoria Tulad, kasama ang GMA News Special Assignments Team

LOBOC, Bohol - Isang taon matapos ang lindol na ikinasawi ng 222 katao at umantala sa buhay ng 3.2 milyong residente, pilit pa ring bumabangon ng Bohol. Kahit nasira ang mga Heritage Church ng probinsya, lalo pa raw lumakas ang pananampalataya ng mga taga-rito.Sa dasal sila umaasa na kalaunan, maibabalik din sa normal ang lahat.

Sa aming pagbisita sa pitong natatanging simbahan sa Bohol, mga nakapanlulumong eksena ng pagkasira ang aming nakita. Pero kaakibat ng mga ito ang iba't ibang kwento ng pag-asa at bayanihan, na tila hindi matitibag maging ng pinakamalakas na lindol.

Unang beses ko itong pagbisita sa Bohol. Nakapanghihinayang dahil hindi ko na masisilayan ang orihinal na hitsura ng mga simbahan.

Pero pagdating sa simbahan ng Loon, ibang ganda ang aking nasaksihan - ganda ng pagkakaisa sa kabila ng trahedya.

Tuwing Sabado, naglilinis sa paligid ng simbahan ang mga residente ng Nuestra Señora dela Luz Parish. Inililipat nila ang mga nagkalat na malalaking bato para mas madaling mapatag ang lupa. Animnapu't pitong barangay ang nagtutulong-tulong dito simula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Alexander Palban, pangulo ng isa sa mga grupo, boluntaryo nila itong ginagawa: "Walang [nakalaan na] malaking pera para isahod sa mga trabahador ng simbahan, kaya nag-boluntaryo lang kami para matayo ulit ang malaki naming simbahan."

Natapos noong 1864, ang simbahan ng Loon ang isa sa pinakamalalaking simbahan sa buong Visayas. Tinagurian din itong huwaran ng arkitektura ng simbahang Augustino. Pero ngayon, maliban sa mga bato, naglaho na ang buong simbahan - walang bubong, pader, o ano pa mang bahagi na maaaring maisalba.

Kaya naman ganoon na lang ang lungkot ni Beverly Villesas, isa sa mga parokyano ng simbahan. Hirap sa buhay ang kanyang pamilya, lalo't nasira ng lindol ang kanilang palayan. Gayunpaman, hindi siya pumapalya sa pagboboluntaryo. Pinanghuhugutan niya ng lakas - kanyang kapwa at ang Diyos.

Ani Villesas, "Yung lindol, para sa akin, maraming nasira. Pero hindi kami nawalan ng pag-asa kasi 'pag mayroon pang Diyos, buo pa rin ang tiwala mo. Kahit pa maraming taon, sisikapin naming itayo itong simbahan namin."

Slideshow

Gaya ng Simbahan ng Loon, mahirap isipin kung paano gumuho ang simbahan ng Maribojoc sa Santa Cruz Parish. Halos naabo ang buong istruktura. Sinimulang gawin noong 1852, natapos noong 1872, at napulbos sa isang iglap nang lumindol noong isang taon.

Sa kabila nito, namangha ako dahil hindi napabagsak ng lindol ang imahen ng Cristo Rey, o Christ the King Statute of Jesus, sa labas ng simbahan.

Hindi nagkalamat ang pananampalataya ng mga parokyano.Bumuhos ang ulan noong araw na bumisita kami sa Maribojoc. Bagamat bahagyang nag-ipon ng tubig ang lona sa pansamantalang simbahan dito, patuloy lang na nakinig sa salita ng Diyos ang mga residente, tila hindi alintana na nababasa na sila.

Matapos ang isang taon, hindi pa rin daw malinaw kung itatayo pang muli ang simbahan ng Maribojoc, o gagawa na lamang ng bago at pananatilihing "ruins" ang orihinal.

Sa ngayon, mga larawan na lamang sa harap ng pansamantalang simbahan ang nagpapaalala sa dating hitsura ng National Heritage Church na ito.

Slideshow

Nakatayo pa ang simbahan ng Cortes, pero pangungulila ang aking naramdaman pagpasok dito. Mistulan na kasi itong inabandonang gusali.

Sa halip na upuan, dumi ng ibon ang aking nakitasa sahig. May malalaking butas sa mga pader. Bagamat mayroon ding sala-salabid na bitak ang mga ito, hindi naman gumuho ang simbahan. Pero, tila anumang oras, parang babagsak ang kisame.

Dahil delikado pa ang istraktura, sa pansamantalang simbahan dumidiretso ang mga parokyano. Sa ilalim ng mga pinagdikit-dikit na pawid at lona sa labas ng simbahan, isang binyagan ang aking nasaksihan. Bakas sa mukha ng mga magulang ang tuwa nang tanggapin sa Katolisismo ang kanilang anak.

Marahil senyales ang binyagan na patuloy ang paniniwala ng mga residente sa Panginoon, at magpapatuloy pa ito sa mga susunod na henerasyon.

Slideshow

Sa Simbahan ng Dauis nakilala ko ang sakristan mayor na si Osmundo Adaptor. Inaasikaso niya ang isang funeral mass sa loob ng simbahan nang mangyari ang lindol. May narinig daw siyang malakas na pag-ugong, na napagkamalan pa niyang tunog ng eroplano.

Nagtago si Adaptor sa ilalim ng pulpito habang nananalangin na mailigtas silang mga nasa loob ng simbahan. Aniya, "Hinintay ko na lang kung kailan matapos yung lindol. Matapos ang tatlumpung segundo, lumabas na ako. Yung mga tao naman dito sa loob, nakatakbo sila."

Imbes na matinag, lalo pa raw tumibay angpananampalataya ni Adaptor. Dagdag niya, "Ako'y nagpapasalamat sa Maykapal na binigyan pa Niya ako ng isang pagkakataon, ng isa pang buhay; siguro para linisin ako, para mas mapalapit ako sa Kanya."

Tapos na ang paglilinis dito sa Asuncion de Nuestra Señora Parish pero hanggang ngayo'y hinihintay pa ng mga deboto ang gagawing pagsasaayos. Samantala, sa ilalim muna ng puno sa gilid ng simbahan nagdaraos ng mga misa.

Bago mag-alas singko ng hapon tuwing araw ng Linggo, pinatutugtog ang recording ng tunog ng kampana.Hudyat ito sa mga residente na magsisimula na ang misa. Hindi na nagagamit ang kampana sa pangambang baka magdulot ng pagkasira sa simbahan ang taginting.

Kumbaga sa pelikula, blockbuster ang dami ng mga dumadalo sa misa.Nagkukulang nga ang upuan kaya ang iba, nakatayo na lang.

Sabi ng mga parokyano rito, may kabutihan ding naidulot ang lindol: napatibay nito ang kanilang pagkakaisa at pananampalataya sa Panginoon.

Slideshow

Tuwing Linggo, alas singko y medya pa lang ng madaling araw, puno na ng mga deboto ang hardin ng simbahan ng Baclayon para sa unang misa. Kulang ang mga upuan sa pansamantalang simbahan kaya't nagtitiyaga ang iba na umupo sa gilid ng halamanan.

Ayon sa kura paroko na si Fr.Lito Giangan, malaking problema kapag umuulan: "Minsan kailangan naming pumili kapag naulan ng umaga, lipat na lang doon sa pangalawang misa o kung maulan pa rin, wala silang magagawa, magsimba na lang kahit maulan."

Matibay pa rin daw ang pananampalataya ng mga residente, pero ayon kay Giangan, naiinip na ang ilang parokyano dahil hindi umaabante ang pagsasaayos ng simbahan.

"Sinusubukan ko na lang pakalmahin [ang mga residente] at ipaliwanag na hindi madali ito [ang pagsasaayos]," sabi ni Giangan. "Ang mahalaga ay tinutulungan kami [ng mga ahensya ng pamalaan]."

Mahigit 400-taong gulang na ang Parroquia De La Immaculada, isa sa pinakamatandang simbahan sa bansa. Nagiba ang harapan nito at ang katabing kampanaryo, kaya't sinuportahan ito ng mga tubo.

Sa kabila ng pinsalang inabot, buo pa rin ang altar at mga imahen ng santo.Nakasalansan sa labas ang mga bumagsak na bato at iba pang nasirang gamit ng simbahan.

Malaki raw ang pasasalamat ng parokya sa mga tumutulong, hindi lang iyong mga taga-Bohol, kundi maging mga taga-malalayong lugar.

"Maraming gustong tumulong, may mga nag-ambag ambag," ani Giangan. "Hindi namin sila kilala, hindi nila kami kilala.Pero pumunta sila at nagbigay ng malaking halaga na hindi mo akalain na may gagawa ng ganoon. Magbibigay ng dalawandaang libong piso, limampung libong piso, kahit hindi mo kilala. Para sa amin, nakatataba iyon ng puso."

Slideshow

Gumuhong harapan ng simbahan ang sumalubong sa akin pagdating sa simbahan ng Loay. Animo'y minartilyo ang bubong nito sa tindi ng pagkakayupi. Sa pasukan ng simbahan, may mga batong nanganganib mahulog.

Noong nakaraang buwan lamang, isa pang bahagi ng kisame ang bumagsak habang nagmimisa sa ilalim ng lona ang kura paroko na si Fr.Joel Halasan."Sobrang lakas talaga [ng pagbagsak]," ani Halasan, "Pero okay lang naman ang mga tao. Sabi ko tuloy muna tayo sa misa."

Naghihintay pa sila Fr. Halasan ng abiso mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) bago galawin ang bumagsak na bahagi.

Sa kabila ng mga nasira sa simbahan, nakabibighani pa rin ang ceiling mural ni Rey Francia. Asul ang kulay na namamayani sa disenyo kung saan tampok ang iba't ibang santo. Kapansin-pansin din ang kakaibang altar na mistulang payong na nagbibigay proteksyon sa imahen ni Santisima Trinidad, o Blessed Trinity.

Isa sa mga inaasikaso ngayon ng parokya ang pakikipag-negosasyon para sa lupang pagtatayuan ng alternatibong simbahan. Bagamat mayroong mga lona na pinagdarausan ng misa, nais daw ng mga deboto na magkaroon ng maliit na gusali para dito idaos ang iba't ibang aktibidad.

Habang naghihintay, hindi naman daw pinanghihinaan ng loob ang mga nasasakupan ng parokya. Katunayan, marami pa rin ang nagsisimba at nagboboluntaryo sa anumang paraan na maaaring makatulong.

Slideshow

Bago naganap ang lindol, napabilang ang simbahan ng Loboc sa tentative nominees list para saWorld Heritage Sites ng UNESCO. Nakakapanghinayang na natanggal na ang Loboc church sa listahan.

Ani Fr. Andres Ayco, kura paroko ng San Pedro Apostol Parish sa Loboc, "Malaking bentahe kung mananatiling kasama sa UNESCO. Sa promotional side, malaking tulong sana sila. Pero sila ang nagdedesisyon."

Sa mahigit 400-taong kasaysayan ng simbahan, ilang pagbaha na ang pinagdaanan nito lalo't malapit lamang ang ilog. Hindi inakala ng mga taga-roon namawawasak ito ng lindol.

Sa tulong ng mga residente, nakakalap na ang San Pedro Apostol Parish ng P20M para makapagpatayo ng alternate church - isang multi-purpose hall na magagamit na raw bandang ikatlong linggo ng Oktubre.

Isa sa mga naging aktibo sa paghahanap ng donasyon ang premyadong Loboc Children's Choir. Bukod sa pagkakaroon ng mga konsiyerto sa Maynila, nagtungo rin sila sa ibang bansa.

Si Kara Alcala, isang 12 anyos na choir member, personal na nasaksihan ang kabayanihan ng kanyang mga kababayan sa gitna ng kaguluhan ng lindol.

Bahagyang nasira raw ang bahay nila Kara.Pero ang higit niyang inaalala, ang kanilang simbahan. Aniya, "Naiyak po kaming lahat. Talagang naawa po kami kasi mula nung ikinasal yung Mama at Papa namin, dito sila eh. Tapos kami, dito kami bininyagan, dito kami lumaki."

"Kahit ganoon po yung sitwasyon ... Nagtutulungan pa po yung mga tao. Tapos yung iba nakulong po sa loob, tapos pinuntahan nila sa loob tapos kinuha pa nila," kwento ni Kara.

Slideshow

Sa pakikipagtulungan ng mga residente rito, kahit papaano'y unti-unting nakababangon ang parokya mula sa pinsala ng lindol.

At tulad sa ibang mga lugar sa Bohol, bagamat nakapanlulumo ang kasalukuyang estado ng mga simbahan, nakakakuha ng lakas ang mga residente mula sa isa't isa. Sa pagbisitang ito sa probinsya, nalaman kong hindi papayag ang mga Boholano na matakot, mayanig at mapadapa ng anumang trahedya.

TAGBILARAN Loon Maribojoc Cortes Dauis Baclayon Loay Loboc
Bohol: Pagbangon Mula sa Lindol

Produksyon ng GMA News Special Assignments Team

Ulat ni Victoria Tulad
Editing nina Deo Bugaoisan at Val Veneracion
Segment Producers: Pauline Joyce Gonzalvo at Jan Meynard Nualla
Graphic design ni Roma Aquino
Videography nina Xandrix Manalili, Jose Perez, Jan Meynard Nualla at Pauline Joyce Gonzalvo

Espesyal na pasasalamat kina
Ederic Eder
Michelle Francisco
Ivan Henares
Joel Aldor
para sa kanilang mga ambag na litrato

Sa pakikipagtulungan ng:

GMA New Media Inc.
Web Development Team

GMA Network, Inc.
Quezon City, Philippines
Oktubre 2014