Dahil walang bakanteng kuwarto, nagpasya ang isang hukom na idaos ang pagdinig sa mga hawak niyang kaso sa bangketa sa Sta. Cruz, Laguna. Ang isa niyang hatol, guilty sa akusadong nahaharap sa kasong rape.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing tanghaling-tapat nang gawin ni Sta Cruz, Laguna Regional Trial Court (RTC) presiding judge Suwerte Ofrecio ang pagdinig sa mga hawak niyang kaso sa bangketa na nasa ilalim ng puno, at tapat ng Bulwagan ng Katarungan.
Para magkarinigan sila ng mga abogado ng magkabilang panig ng mga akusado at depensa, may bitbit na mikropono at speaker si Ofrecio.
Ang mga didinggin ang kaso, nagtiyagang naghintay na matawag. Nasa 20 kaso umano ang dininig ni Ofrecio at kabilang rito ang isang rape case na guilty ang kaniyang naging hatol sa akusado.
Hindi nagpa-interview sa GMA News si Judge Ofrecio, pero sabi ng kaniyang court legal researcher, nangako raw ang munisipyo ng Sta Cruz at kapitolyo ng Laguna na tutuparin ang hiling nilang dagdag na courtroom para hindi na sila maging iskuwater sa pagdaraos ng pagdinig.
Ayon sa ulat, hindi na bago ang isyu ng kawalan ng sariling gusali at pasilidad ng ilang hukuman sa bansa.
Isang halimbawa umano ang Bacolor Municipal Trial Court sa Pampanga, na matagal nang nalubog sa lahar at mas lumala pa ang kalagayan ngayon.
May ibang korte naman umano ang umuupa ng opisina at nakikihati lang ng espasyo gaya ng municipal library, pati itaas ng palengke.
Ngayong taon, mula sa mahigit P35 milyon na pondo para sa hudikatura, one-fourth lang ang nilaan para sa mga ari-arian kasama ang mga gusali.
Sabi ng court legal researcher ni Judge Ofrecio, sana ay mamulat umano ang pamahalaan sa kanilang karanasan na ang kawalan at kakulangan ng mga courtroom ang ugat ng siksikan sa mga bilangguan at mabagal na pag-usad ng hustisya. -- FRJ, GMA News