Palaisipan sa mga residente ng isang barangay sa Casiguran, Aurora kung ano ang umatake sa kanilang mga alagang manok at bibe na natagpuan na walang ulo at lamang-loob.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabi ng mga residente na natagpuan na lang nila ang kalunos-lunos na sinapit ng kanilang mga alaga matapos makarinig ng ingay.

Hinihinala nila na madaling-araw nang paslangin ang mga hayop nang hindi pa nila malamang uri ng nilalang, o kung hayop din.

Ayon sa isang residente, may nadinig siyang ingay kaya tinangnan niya. Paglabas niya ng bahay, nakita na niya ang mga patay na hayop.

Hindi umano bababa sa 20 alagang hayop na alaga ng pitong residente ang namatay.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente para matukoy kung ano ang pumatay sa mga hayop.

READ: 21 panabong na manok, hinihinalang inatake ng misteryosong 'Sigbin'

Noong nakaraang Hulyo, natagpuang patay at may sugat sa leeg ang 21 panabong na mga manok sa Cagayan de Oro City.

Hinala ng mga residente, posibleng ang misteryosong nilalang na "Sigbin" ang pumatay sa mga manok.--FRJ, GMA News