Hindi na lang ang dancing inmates ng Cebu ang hahangaan sa pagsasayaw dahil umiindak na rin ang mga bilanggo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nagpakitang-gilas sa pagsayaw sa sikat na Korean dance craze na "Bboom Bboom" ang nasa 400 bilanggo ng NBP.
Bahagi umano ito ng iba't ibang programa ng Bureau of Corrections para sa kanilang 24th National Correctional Consciousness Week.
Layunin ng pagsasayaw at iba pang physical activities para sa mga inmate na buksan daw ang kamalayan ng publiko sa pagbabago ng mga nasa kulungan pati ang mga repormang pinatutupad sa mismong prison system ng bansa.
"Marami hong talented dito sa loob. Maraming puwedeng pakinabangan ang ating society. Hindi natin nilalagay lang sila dito para i-incarcerate kundi i-reform," sabi ni Asec. Melvin Buenafe, OIC, Bureau of Corrections.
Bukod sa aktibidad, tampok din sa event ang obrang paintings o mga nililok na kahoy ng mga preso, kasama na ang mga palamuti para sa Halloween at Pasko.
"Gawa ho ito ng mga inmates. At the same time nakakatulong tayo sa kanila," sabi ni ASec. Melvin Buenafe, OIC, Bureau of Corrections.
"Mabilis nabenta 'yung iba. Although they can order naman. In case na maubos 'yung mga ganitong product puwede silang umorder," ayon naman kay SInsp. Eusebio del Rosario JR, chief PIO, BuCor.
Sa kasalukuyan, higit 27,000 ang mga presong nagsisiksikan sa Bilibid, na triple ng ideal capacity ng pasilidad na 10,000.
Nasa Maximum Security Prison ang pinakamaraming bilanggo na 19,000, na lagpas sa 5,000 capacity nito.
Sinabi ng BuCor na isang pasilidad sa Sablayan, Occidental Mindoro ang itinatayo para sa higit 1,000 inmates. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News