Nakuha na ng isa sa dalawang nanalo ang kaniyang parte sa mahigit P1 bilyong jackpot prize sa Ultra Lotto. Pero bago siya naging milyonaryo, nangutang muna siya ng pamasahe upang makarating sa Maynila mula sa Samar.
“He was male who hails from Samar. He claimed his prize of P472 million last Tuesday. Nanghiram nga lang siya ng pamasahe para makapunta rito [sa Maynila],” sabi ni Florante Solmerin, PCSO Deputy Spokesperson, sa panayam ng GMA News Online sa telepono.
“Nagsama lang siya ng isang relative. Kapag malakihan [ang napanalunang jackpot], 'di nagtatagal, nake-claim agad. Minsan one to two weeks kung galing probinsya, pero within days lang kapag andito sa Metro Manila,” dagdag ni Solmerin.
Taga-Albay naman ang isa pang nanalo at hindi pa umano ito nagpupunta sa PCSO para kunin ang kalahati ng premyo.
Bagaman mahigit P1 bilyon ang tinamaan nilang premyo, nabawasan na kaagad ito dahil sa 20 porsiyentong kaltas na buwis.
Isang taon umano ang paligid sa mga lotto winner para kunin ang kanilang premyo. Kapag hindi nila ito nakuha, mapupunta ang premyo sa charity fund ng PCSO.
Sabi ni Solmerin, umaabot umano sa P2.5 bilyon ang mga premyo na hindi nakukuha sa isang taon. -- FRJ, GMA News