Hindi pangkaraniwan ang "kasalan" ng 19-anyos na is Zyrine at ang boyfriend niyang si Jake Anthony Macadangdang sa Cauayan City, Isabela.
Malamig na na bangkay si Jake nang ikinasal kay Zyrine.
Namatay si Jake matapos madisgrasya noong nakaraang linggo.
Magkasintahan ang dalawa mula pa noong high school pa sila.
Dahil hindi pinapayagan ng simbahan at ng batas ang pagpapakasal ng isang buhay at patay, basbas na lamang ng kani-kanilang mga pamilya ang tanging kumikilala sa kasalan ng dalawa.
Nangyari ang kasalan bago ilibing si Jake sa Cauayan Memorial Gardens cemetery.
Kasalan sa ospital
Samantala, isa pang patunay ng isang wagas na pag-ibig at patotoo na rin sa mga katagang “In sickness and in health … until death do us part" ang isang kasalan sa ospital sa Davao City.
Nagpakasal noong nakaraang buwan sina Ariel Idul at ang nobyang si Rechie sa ospital, kung saan ginagamot ang huli.
Na-diagnose ang karamdaman ni Rechie noong 2017 na stage 3 cervical cancer. Pitong taon umano silang nag-live in, bago nila napagdesisyunang magpakasal.
Matagal na raw itong pangarap ni Rechie, kaya tinupad na ni Ariel ang pangarap ng kasintahan.
Patuloy na lumalaban si Rechie sa kanyang sakit. At sa ngalan daw ng pag-ibig, lalaban siya at magpapakatatag para sa kanyang pamilya. —LBG, GMA News