Habang binabaha ang Kalakhang Maynila at mga karatig-lalawigan dahil sa malalakas na ulan, "bumaha" naman ng alak ang isang barangay sa bayan ng Gumaca sa lalawigan ng Quezon, maaga nitong araw ng Linggo.
Nagkalat at pinagkaguluhan ng mga residente ang mga bote ng alak na tumapon sa highway sa Barangay Hagakhakin.
Photo courtesy: Reymar John Jordan
Ayon sa Gumaca Municipal Police Station, patungo sa Bicol ang isang delivery van nang biglang bumukas ang magkabilang harang sa tagiliran nito at tumilapon sa highway ang kahon-kahong bote ng alak.
Nangyari ang insidente pasado alas-siete ng umaga nitong Linggo, na nagdulot naman ng pagbigat ng daloy ng tarpiko, ayon sa mga pulis.
May iniwasan umano ang van na kasalubong sa pakurbang bahagi ng highway nang bigla na lamang bumukas ang magkabilang tagiliran nito.
Halos masaid ang laman ng delivery van nang putaktehin ng mga residente ang mga nagkalat na mga kahon ng alak sa daan at kaniya-kaniyang hakot nito. Hindi na umano naawat ang mga taga-barangay.
Inaalam pa ng pulis-Gumaca ang halaga ng na tapong mga kahon ng alak. Wala naman umanong napaulat na nasaktan nang dahil sa insidente.
Pahayag ng mga pulis, sana raw ay hindi pinagsamantalahan ng mga kumuha sa alak ang pangyayari at sa halip ay tumulong ang mga ito. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News