Sa unang pagkakataon, idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang uri ng mental disorder ang sobrang hilig sa pakikipagtalik at tinawag na compulsive sexual behavior disorder o CSBD. Alamin ang mga sintomas nito tulad hilig sa pamboboso at panonood ng porn.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing batay sa anunsyo ng WHO, itinuring na isang mental condition ang hindi makontrol na masidhing pagnanasang sekswal na nagreresulta sa paulit-ulit na pakikipagtalik.
Nagiging sentro umano ng buhay ng taong may CBSD ang sekswal na aktibidad at napababayaan na niya ang kalusugan at iba pang gawain.
Bukod dito, kahit pa umano paulit-ulit ang ginagawang pakikipagtalik, walang nakukuhang kasiyahan ang taong may CBSD.
Nagiging dahilan din umano ito ng ng problema sa pakikipag-ugnayan sa pamilya, sa kapwa, at naaapektuhan pati ang kaniyang trabaho at iba pang aspeto ng buhay.
Ito umano ang unang pagkakataon na itinuring ng WHO na behavior disorder ang sobrang hilig sa sex na kahanay ng mga taong may problema sa pagiging adik sa pagsusugal, alak at pati ilegal na droga.
Kabilang sa palatandaan na may CSBD ang isang tao ay ang exhibitionism o pagpapakita ng pribadong parte ng katawan sa publiko; pagkahumaling sa porn; labis na pag-phone o video sex; paninilip; panghihipo; at pati na pagkakaroon ng extra marital affair.
"Despite that na alam mo the consequences can ruin your life, can ruin your job, you can lose all your money, tinutuloy mo pa rin kahit na alam mo. Siguro naman may problema," ayon kay Gabriel Avancena, addictions professional.
Ang dati umanong sex addict na itinago sa pangalang "Rex," 50-anyos, sinabing nagsimula siya sa pamboboso noong 11-anyos lang.
Kinalaunan ay naging mahilig siya sa pagbabasa ng mga malalaswang tabloid at magazine, at kalaunan ay sa panonood ng mga porn video.
Nang nagkatrabaho na, hindi na umano siya nakontento sa paisa-isa at minsan ay tatlong partner na sabay-sabay.
Naniniwala si Rex na ang kaniyang kawalan ng kontrol sa sex ang naging daan din para malulong siya sa ilegal na droga.
Ngayon ay iniiwasan na niya na bumalik sa dating gawain at isa sa mga paraan ay ang pag-iwas na bumalik sa mga lugar na nakakakuha siya ng babae tulad sa mga bar.
Ayon kay Avancena, walang direktang gamot sa adiksyon.
"Sinasabi naming relapsing kasi walang cure, it's not curable, it can be arrested," aniya. "Your mind will tell you na matagal na akong hindi lumalabas, ok na naman kami ni misis siguro naman puwede na kahit minsan lang."
Kaya kailangan umano ang patuloy na counseling, suporta at determinasyon na magbagong-buhay. -- FRJ, GMA News