Patok ngayon sa social media ang pagbabaliktad ng ilang Tagalog na salita. Hindi lang millennial ang gumagamit nito dahil pati ang mga "titos at titas" at maging ang ilang "damatans" ay alam ang ibig sabihin ng lodi (idol), petmalu (malupet) at werpa (power).
Bukod sa tatlong nabanggit, trending din ang balakid (di ka lab), erp (pre) at maging ang bayaning si Plaridel o si Marcelo Del Pilar.
Ang ganitong pagbabaliktad daw ng mga salita ay hindi na bago sa pang-araw-araw na lengguwahe nating mga Pilipino.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa "Balitanghali" nitong Lunes, ang "Baliktad Tagalog" ay nagsimula pa noong dekada '70 hanggang dekada '90. Kulturang "Hippie" daw ang nagpakilala nito sa atin.
"Natuwa 'yung panibagong... sabihin na nating di naman talaga imbento kundi nakatuklas na may ganitong mga salita. Tapos ayun, marami nang mga sumunod pang salita," sabi ni Professor April Perez ng University of the Philippines Department of Linguistics.
Ayon sa ulat, may mga kantang nabuo dahil dito gaya ng Bogchi Hokbu o Chibog Buhok ng bandang Eraserheads, Nosi Balasi o Sino Ba Sila ng Sampaguita at ang sikat na awiting Laki sa Layaw ni Mike Hanopol featuring Jeprox o Projects.
Dagdag pa ng ulat, hindi raw dapat ipangamba ang ganitong mga slang, dahil patunay daw ito na buhay ang ating wika. — Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News