Umani ng batikos mula sa netizens si Gretchen Barretto nang kumalat ang isang video na nagpapakita sa kanyang reaksyon habang binabasa ang mensahe mula sa isang taong humihingi sa kanya ng tulong.
Ayon sa ulat ng 24 Oras nitong Biyernes, umabot na sa tatlong milyon ang nakapanood sa video na inupload sa Facebook kung saan makikitang tumatawa ang aktres kasama ang mga kaibigang babae.
Sa sulat na binasa sa video, sinabing may butas sa puso ang anak ng lumiham habang magki-chemo therapy naman ang kanyang kapatid. Humingi din ito ng gatas para sa kanyang 73-year-old na mother-in-law.
Bahagi ito ng proyekto ni Gretchen kung saan ipinatutupad niya ang mga hiling ng mga netizen na dumudulog sa kanila gamit ang Instagram.
Sa isang live video, hindi na napigilan ng grupo ni Gretchen na tumawa nang basahin ang parteng: "But since it's...since it's mother's day, ang request ko po sana ay Ensure."
Ayon sa ilang netizens, naging "inappropriate" at "insensitive" ang aktres at ang mga kasama nito. Ilan ang nagsabing "You guys are lucky to have a good life" at "Has money pero no manners."
Maliban sa mga bashers, merong nakapansin na baka raw kaya natawa sina Gretchen dahil sa tila-nakakalitong mga hiling ng lumiham.
Batay sa Instagram ni Gretchen, ang karamihan sa mga hinahatiran niya ng tulong sa pamamagitan ng kanyang programa ay nangangailangan ng medical assistance. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News