Lumabas kamakailan ang video na binubulabog ng ilang kabataan ang mga pasahero ng isang pampasaherong jeep sa Pasay City. Bukod sa panghihingi ng limos, nang-agaw pa sila ng pagkain at may nanakit pa. Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa mga namamalimos at pati na sa nagbibigay ng limos? Alamin sa video ng ito.
Sa Kapuso sa Batas ng "Unang Hirit," binanggit ni Atty. Gaby Concepcion ang Presidential Decree No. 1563 o Anti-Mendicancy Law na naisabatas noong termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na layuning mawala ang mga pulubi.
Dahil sa naturang batas, hindi umano pinahihintulot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamalimos, pati na ang pangangaroling [carolling] sa kalye lalo pa't nalalapit na ang kapaskuhan.
Sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law, ang mga batang ginagamit sa pamamalimos ay maaaring kunin ng DSWD at alisan ng parental authority ang mga magulang kung hindi nila kayang palakihin nang maayos ng anak.
Para naman sa mga may edad na namamalimos na may kakayahan ang katawan at puwede namang magtrabaho ngunit mas ginustong mamalimos, may multa na P500 at kulong na dalawang taon, base sa desisyon ng korte.
Sa mga paulit-ulit nang namamalimos na nahuli na dati, may multang hindi hihigit ng P1,000 o kulong na hindi hihigit sa apat na taon o pareho.
Ang taong nagbibigay ng limos ay guilty din sa ilalim ng PD na tinatawag na "aiding and abetting mendicancy."
Sa kaso ng mga batang nanlimos at nanggulo pa sa Pasay City, nakasaad sa Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act na walang criminal liability ang mga menor de edad, lalo ang 15-anyos pababa.
Kung mapatunayang na isa siyang "neglected child," maaari siyang kuhanin ng DSWD, at maaring matanggalan ng parental authority ang mga magulang nito dahil hindi nila kayang palakihin nang maayos ang mga anak.
Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang isyu sa video na ito.
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News