Ang pneumonia o pulmonya ay isang delikadong sakit sa baga na kung minsan ay hindi mapapansin ang mga sintomas maliban na lang kung idadaan sa x-ray ang may sakit. Ano nga ba ang nangyayari sa baga kapag mayroong pneumonia? Alamin.

Click here to subscribe and watch more GMA Public Affairs videos:

Kuwento ni Dra. Jean Marquez, isang dermatologist, nagkaroon nahirapan daw ang kaniyang apat na buwang gulang na anak noon sa paghinga kahit hindi naman siya sinipon. Nang dalhin sa emergency room, napag-alaman nilang pneumonia na pala ito.

Isa rin si Mang Wilfredo Alcantara na nagkaroon ng sakit na pneumonia. Buwan ng Setyembre nang maramdaman niya ang mga sintomas ng pulmonya.

Hirap siyang makalakad at kailangan pang akayin dahil madaling mahapo. Kuwento niya, masakit daw ang dibdib niya kung saan ubo siya nang ubo ng isang linggo at nilalagnat.

Masakit din daw ang tiyan niya at nahihirapang huminga, ayon sa kaniyang pinsan na si Danilo Jardenil.

Dagdag pa ni Jardenil, mahina ang lumalabas sa bibig ni Mang Wilfredo tuwing nagsasalita, nahihirapang kumain, at masakit ang katawan.

Tatlong linggo ang lumipas nang ma-diagnose rin ng pulmonya si Aling Leony Serrador, 73-anyos.

Kuwento ni Aling Leony, siya raw ay natutuyuan minsan ng pawis sa kaniyang pagtatrabaho at paglaba. Kahit pa may sakit at may edad na, obligado si Aling Leony na magtinda ng sigarilyo, candy at balot para magtinda sa kalsada.

Isa ito sa dahilan kung bakit humina ang kaniyang baga na nagresulta sa pagkakasakit.

"Walang pahinga. Ang pahinga ko lang, magtitinda ng balot. 'Pag lantang-lanta na ako, sasandal na lang ako sa upuan," sabi ni Aling Leony.

Nang magpasuri sa ospital, nalaman niyang ang pag-ubo at paghingal ay resulta ng nakadikit na plema sa kaniyang baga.

Ayon kay Dr. Rosario Layao, pulmonologist ng Delos Santos Medical Center, ang sakit na pneumonia ay dala ng bacteria, fungi, virus o ng sakit na tuberculosis.

"Nagkakaroon ng infection sa lungs so nagkakaroon ng infection, nagkakaroon ng pamamaga. Parang skin infection... 'Pag may skin infection, namamaga, namumula, masakit. Ganoon din ang nangyayari sa lungs," sabi ni Dr. Layao.

Narito ang mga sintomas ng pneumonia:

. Lagnat
. Masakit ang mga kalamnan
. Walang ganang kumain
. Panghihina
. Nagkakaroon ng ubo
. Nahihirapang huminga
. Masakit ang likod o dibdib

Karaniwang tinatamaan ng sakit na pulmonya ang mga batang may edad 2-anyos pababa at mga matatanda 55-anyos pataas.

Kapag pinabayaan, puwedeng maging dahilan ng pagkamatay ang pulmonya.

Narito ang ilang sa mga paraan kung paano maiiwasan ang pneumonia.

. Vaccination
. Bakuna sa trangkaso
. Bakuna sa pneumonia

Pagdating sa pagpapagamot, dapat unahin ang mga pasyenteng 55-anyos pataas o mga pasyenteng may mga chronic diseases at iba pang sakit katulad ng kidney disease, liver disease, cancer o diabetes.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News