Ang lamok na Aedes aegypti na ay madalas matagpuan sa tropical countries tulad ng Pilipinas ang siyang nagdadala ng dengue virus. Isa sa mga paboritong nitong tirahan ang malilinis na tubig.
Isang day-biting mosquito, umaatake raw ang Aedes aegypti sa pagitan ng 9 a.m. hanggang 11 a.m. at 4 p.m. hanggang 6 p.m..
Isa sa mga sintomas ng dengue fever ay ang mataas na lagnat na aabot ng 40 degrees celsius at nagtatagal ng ilang araw. Makakaranas ang pasyente nito ng matinding pananakit ng ulo, pagsusuka at muscle pain.
Isa rin sa mga palatandaan na ang tao ay tinamaan ng dengue ay kung mababa ang platelet at white blood cell count.
Samantalang uso namang sakit sa mga bata na galing din sa lamok ang Japanese encephalitis na mas madalas tumama sa mga taong may edad 15 pababa.
Para maiwasan ang mga sakit galing sa lamok, ugaliing magpahid ng mosquito repellent.
Para sa mga taong kagatin ng lamok, magsuot ng mahahabang damit para maproteksyunan ang balat.
Pinapayuhan ding regular na magpalit ng tubig sa vase.
Ugaliin ding linisin ang mga alulod ng bahay at tanggalin ang tubig sa mga gulong at ibang bagay na puwedeng pamahayan ng lamok.
Pinakaimportanteng regular na maglinis ng paligid. —Jamil Santos/ALG, GMA News