Nasawi ang isang 35-anyos na rider matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang truck sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Maronong, na nakatigil ang truck habang naghihintay ng senyas para makaliko.

May ilaw naman ang truck at gumagana ang signal lights para maalerto ang ibang sasakyan na dumadaan para makaiwas.

Pero ang biktima, nagtuloy-tuloy hanggang sa bumangga sa harapan mismo ng truck na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

“Itong rider, dire-diretso [tapos] sumalpok sa harap. Nakahinto kasi ‘yung sasakyan [truck] naghihintay lang ng signal, kaso ‘yung rider biglang siya ang bumangga,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Wacnag, hepe ng Sta. Barbara Police Station.

Ayon sa pulisya, nakatakdang mag-usap ang pamilya ng biktima at ang driver ng truck. --FRJ, GMA Integrated News