Nahuli-cam ang panloloob ng isang lalaki sa isang botika sa Arevalo District sa Iloilo City kung saan natangay ang mahigit P50,000 na kita nito.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV na itinaas ng lalaki ang roll-up ng botika saka pumasok.

Matapos nito, dumiretso siya sa kaha saka nilimas ang pera bago tumakas.

Lumabas sa imbestigasyon na unang pinasok ng lalaki ang likurang bahagi ng botika nang dumaan siya sa bintana ng comfort room.

Sinabi ng Arevalo Police na hindi pa malinaw kung isa itong inside job.

Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa salarin. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News