Isang tanker truck ang tumagilid at bumara sa entrada ng isang tollgate ng Star tollway sa Batangas City.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing maingat na iniangat ng truck gamit ang boom truck para maialis ito sa lugar sa Barangay Tinga Labac.

Ayon kay Fe Velayo, residente sa lugar, wala naman silang nadinig na ingay sa nangyaring aksidente bago magtanghali.

Pero inalis umano ang laman sa naturang truck at isinalin sa ibang sasakyan.

Kaagad ding nilinis ang lugar kung saan tumagilid ang tanker truck. Bago maghapon, naibalik na sa normal ang sitwasyon sa lugar.

Sinisikap pang mahingan ng pahayag ang HPG-Batangas, ganoon din ang pamunuan ng Star Tollway at ang driver ng truck kaugnay sa nangyari, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News