Dalawa ang patay, at 21 pa ang sugatan nang masabugan ng gulong ang isang van at ilang beses bumaliktad sa Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX)  sa Cordova, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing nangyari ang trahediya nitong Sabado.

Sa dashcam footage mula sa isang sasakyan, makikita na nag-overtake ang isang puting van. At habang umaarangkada ito, biglang pumutok ang kanang gulong nito sa likuran.

Nabalot ng usok ang lugar at ilang beses umanong bumaliktad ang van na dahilan para tumilapon palabas ang ilang sakay nito.

Kaagad na sumaklolo sa mga biktima ang mga napadaang motorista at dumating din ang mga first responder.

Ayon sa Cordova police, nasawi ang isang bata na dalawang-taong-gulang, at isang babae na nasa edad 40s-50s.

Isinugod din sa ospital ang 21 sugatan na sakay din ng van, kabilang ang driver.-- FRJ, GMA Integrated News