Inaresto ang hepe ng Bocaue Police Station nitong Sabado dahil umano sa pagtangay at personal pang paggamit ng mga sasakyang nakukumpiska nila sa mga drug operation.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Balitanghali Weekend," sinabing dinakip ang suspek na si Superintendent Jowen dela Cruz sa loob ng Bocaue Police Station sa isinagawang entrapment operation ng PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF), Highway Patrol Group at PNP-Intelligence Group.

Bago nito, nakatanggap ang mga awtoridad ng reklamo na modus operandi ni Dela Cruz na tangayin ang mga sasakyan ng mga naarestong drug suspect.

Hindi isinasama ni Dela Cruz sa imbentaryo ang mga nakukumpiskang sasakyan, at ginagamit pa ang mga ito sa kaniyang mga opisyal at personal na lakad.

Hanggang sa nagsumbong ang kapatid ng isa sa mga drug suspect dahil tinangay daw ni Dela Cruz ang SUV nito sa drug operation noong ika-5 ng Setyembre.

Nanghingi umano si Dela Cruz ng latest na modelo ng mamahaling cellphone para ibalik niya ang sasakyan ng suspect.

Ngunit ang cellphone na ang ginamit ng mga operatiba bilang pain kay Dela Cruz.

Nabawi mula sa suspek ang tatlong cellphone, kabilang ang hinihinging mamahaling modelo, dalawang baril at bala.

Nagsalita rin ang isang drug suspect at sinabing dinakip siya ng grupo ni Dela Cruz sa loob ng kaniyang bahay. Tinangay ni Dela Cruz ang kaniyang Mitsubishi Montero pati mga mamahalin niyang shades, sapatos, relo at bracelet.

"Para akong inakyat-bahay. Kasi ho halos lahat ng gamit ko, ultimo barena kinuha. 'Yung isang salamin ko sa bahay, kitang-kita ko sinuot pa ni hepe, sinukat pa niya," saad ng drug suspect.

Nakita na rin ng nabiktimang drug suspect na ginagamit ni Dela Cruz ang kaniyang sasakyan.

"Pagtingin ko sir 'yung huling kita ko na ginamit ni hepe, personal niyang lakad 'yun sir. Tapos may sinakay pa na bigas."

Isang puting kotse rin ang nakumpiska ng grupo ni Dela Cruz sa isa pang drug operation noon pang isang taon.

at nang buksan ang kotse tumambad ang mga personal na gamit ni Dela Cruz gaya ng mga sapatos at jacket.

"It only shows na talagang ginagamit niya personally 'yung mga sasakyan na na-confiscate nila for drug operations na hindi naman nila sinama sa mga imbentaryo. So ginamit niya as personal use, makikita naman may mga sapatos, may mga gamit, at hindi lang isa, lumalabas na meron pang dalawang sasakyan na nakatago dito," pahayag ni Supt. Joel Estaris, Deputy Chief, PNP-CITF.

Pati isang motorsiklo at isang itim na sasakyan, ginagamit din ni Dela Cruz na kanilang kinumpiska kahit hindi nangyari sa ilalim ng drug operation.

Todo-tanggi ang suspek sa mga paratang.

"For verification lang po dahil hinahanapan po namin ng mga dokumento dahil sabi nga po ng mga tao doon, blurred lang po 'yung mga plate number na ginagamit po. Eh hindi naman po nagpunta 'yung kapatid niya, nu'ng makalawa lang nagpunta, ngayon nga po dito," ayon kay Dela Cruz.

Itinanggi niya rin na personal niyang ginagamit ang mga sasakyan, at hindi rin totoong humihingi siya ng cellphone sa kapatid ng drug suspect kapalit ng Montero.

"Wala pong maibibigay sa 'kin 'yun... Huhulugan kung magugustuhan po, kasi wala naman po akong alam sa mga gadget eh. Eh hindi ko nga po alam kung anong unit, basta sabi niya iPhone lang po," anang naarestong hepe.

Ngunit umamin ang isa sa mga tauhan ni Dela Cruz.

"Wala naman po kaming, hindi naman po kami puwedeng pakialaman 'yung diskarte niya. Siyempre po COP namin siya, wala kaming karapatang kumontra sa kaniya. Nagagalit kapag kumontra ka po sa gusto niya," sabi ng isang pulis.

Maaaring maharap si Dela Cruz sa mga kasong may kinalaman sa katiwalian, robbery at carnapping. Dinala na siya Camp Crame. â€”Jamil Santos/LBG, GMA News