Tatlo ang patay at pitong iba pa ang sugatan sa banggaan ng isang van at pampasaherong jeep sa bayan ng Atimonan sa lalawigan ng Quezon noong Huwebes ng hatinggabi.

Nangyari ang insidente sa Maharilka Highway sa Barangay Balubad, na ikinasawi ng tatlong tao kasama na ang driver ng van.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, galing ang van sa Pasacao, Camarines Sur at pabalik  na sana sa Maynila sakay ang siyam na tao kabilang ang driver nito.

Samantala, ang pampasaherong jeep ay walang sakay nang mangyari ang salpukan.

Lahat ng tatlong nasawi ay lulan ng van, kabilang ang driver nito. Sugatan naman ang driver ng jeep sa insidente.

Sa tindi ng salpukan ay wasak na wasak ang unahan ng dalawang sasakyan.

Photo courtesy: BFP and MDRRMO Atimonan


Agad namang nakaresponde ang mga rescuer, pero nahirapan sila sa pagkuha ng naipit na driver ng van.

Naisugod din agad sa Doña Martha Hospital sa Atimonan ang mga sugatan, na inilipat din kalaunan sa Quezon Medical Center sa Lucena City.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP Atimonan sa insidente.

Mula noong Marso nitong taon, umabot na sa limang aksidente sa daan sa bayan ng Atimonan ang naitala, at apat sa mga insidente ay siyam na ang napaulat na nasawi. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News