Isang pitong-taong-gulang na Italyano ang nasawi matapos makapitan ng makamandag na box jellyfish sa dagat sa Caramoan, Camarines Sur.
Kuwento raw ng ina ng bata, naglalaro lang daw ang anak niyang si Gaia Trimarchi sa mababaw na bahagi ng dagat at namumulot ng kabibe nang kapitan siya ng dikya sa paa.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nang mangyari ang insidente, nandoon daw ang ina ng bata at may kasama rin silang bangkero, na sinubukang magbuhos ng gasolina sa paa ng bata.
Sa isang blog post ng pinsan ng bata, sinabi niyang ikinuwento sa kaniya ng tiyahin niya na wala raw dalang first aid kit ang mga bangkero.
Kaagad ding nilang isinugod sa ospital ang bata pero idineklarang dead on arrival.
Ayon sa biologist na si Nonie Enolva, ang makamandag na box jellyfish ang kumapit kay Trimarchi.
Sa loob ng dalawang linggo, ikalawa na raw si Trimarchi sa nasawi nang dahil sa dikya. Ang naunang biktima ay residente ng Caramoan.
Nagpaalala naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources -Bicol region sa mga resort owners na suriing mabuti ang kanilang mga resort laban sa dikya.
"At least a week after the full moon, nandiyan sila nag-aggregate talaga mainly to spawn para makapagparami," sabi ni Enolva, BFAR-Bicol.
Dapat din umanong maglagay ang mga fishnet sa palibot ng mga resort para mapigilan ang paglapit ng mga dikya sa baybayin kung saan maraming naliligo.
Sakali namang ma-dikya, paalala ng mga awtoridad, umahon agad sa dagat at tanggalin ang dikya sa balat sa pamamagitan ng pagbuhos ng suka.
Maaaring alternatibo sa suka ang baking soda at saka tuloy-tuloy na buhusan ng tubig-dagat.
Hindi rin totoo na ihi ang gamot o pag-alis sa dikya.
Kapag nakaranas nang mas matinding sintomas gaya ng pagkahilo, paninikip ng dibdib at pagsusuka, agad magpakonsulta sa doktor. -- FRJ/MDM, GMA News