Bistado ang tangkang pagpupuslit ng droga ng isang dadalaw sa Cebu City Jail matapos na may makitang droga na itinago sa kaniyang puwet.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang naarestong suspek na si April Jay Ajoc, na nagtangkang magpasok ng dalawampung nubain ampules.

Nadiskubre ang mga nubain ampules na nakalagay sa loob ng condom na nakatago sa puwetan ni Ajoc.

Ngunit sabi niya, wala siyang pagbibigyan ng droga sa loob ng kulungan.

Sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng pulisya sa Barangay Guadalupe, inaresto sina Anthony at Rachel Vargas, na ayon kay Ajoc ay pinagkunan niya ng droga.

Nakuha sa dalawa ang sampung ampules ng nubain, at pitong maliliit na sachet ng hinihinalang shabu.

Hinala ng pulisya, posibleng magkasabwat ang mga naaresto sa pagpapapasok ng kontrabando sa kulungan.

Maghihigpit din umano ang pamunuan ng piitan sa mga dalaw matapos nilang matuklasan na hindi direktang kaanak na nakabilanggo si Ajoc na isang bading.

"We discovered na itong bakla na dalaw is not a direct family member of an inmate. So magkasintahan daw, ka live in. That's why I'm trying to revisit our database there at the visiting area. We all not allow entry of people who are not direct family member," ayon kay J/Supt. Renante Rubio warden Cebu City Jail.-- FRJ, GMA News