Nakita sa Facebook live ang pananakit ng isang Iraqi houseboy sa isang babaeng overseas Filipino worker habang wala ang kanilang amo. Ang embahada ng Pilipinas, kaagad namang sumaklolo sa kanilang kababayan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nanawagan ng tulong ang OFW na si Alice Aguilan sa pamamagitan ng FB live matapos siyang saktan ng Iraqi houseboy na kaanak ng kaniyang amo.

Sinaktan umano siya ng Iraqi dahil hindi niya nagawa ang iniuutos nito sa kaniya.

Sa video, makikita na umiiyak si Aguilan na ikinukuwento ang naranasang pananakit umano ng Iraqi, na sa sandaling iyon ay tila nagdarasan na.

Sinabi niya na sinakal, sinuntok at hinampas siya ng tsinelas.

Nang matapos ang Iraqi sa pagdarasal, lumapit ito kay Aguilan at pinaghahampas siya ng hawak na carpet.

Isang kasamahan naman nilang lalaki ang umawat sa Iraqi.

Habang umiiyak ang biktima, tila sumenyas pa na nagbabanta ang Iraqi na itinuturo ang kanilang leeg.

Isinumbong daw ni Aguilan sa employer ang nangyari pero tila hindi raw ito nagpakita ng aksyon na tutulong at poprotektahan siya kaya nagpadale na siya ng mensahe sa embahada ng Pilipina sa Iraq.

Kaagad naman na umaksyon ang embahada at ipina-medical ang OFW at dinala rin sa police station.

Nais ni Aguilan na managot sa batas ang nanakit sa kaniyang Iraqi pero pumayag na lang siyang makipagkasundo dahil undocumented at overstaying na siya sa Iraq.

Nakausap naman ni Aguilan nitong Martes sa pamamagitan ng video call si Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano.

"Asahan mo na lang yung nangyari sa iyo will be an example to us din kung paano mas mabilis ang response," ayon sa kalihim.

Sa FB post naman ng embahada, sinabing nasa Baghdad International Airport na si Aguilan para sa pagbiyahe niya pauwi ng bansa.

Sa datos ng DFA, nasa 4,000 Pilipino ang nakarehistro sa embahada ng Pilipinas sa Iraq na nagtatrabaho.

Nasa alert level four pa rin ang Iraq dahil sa banta ng seguridad sa lugar kaya bawal ang bagong deployment sa bansa. -- FRJ, GMA News