Kilala niyo ba kung sino ang mag-asawa na itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining dahil sa husay at dedikasyon nila sa kanilang propesyon?
Kapwa naging Alagad ng Sining ng Teatro at Pelikula ang mag-asawang Lamberto at Daisy Avellana.
Edad 23 pa lang si Lamberto noong 1939 nang igiya niya bilang direktor ang pelikulang “Sakay,” na mula naman sa panulat ni Daisy. Ang naturang pelikula ay itinuturing malaking pagbabago sa naturang industriya nang panahong iyon.
Marami pang pelikula na ginawa ang mag-asawa na kinilala sa buong mundo tulad ng "Anak Dalita" (1956), "Badjao" (1957), "El Legado" (1960); at "La Campana de Baler" (1961).
Sa tulong ng iba pa nilang kasamahan, itinatag ng mag-asawa ang Barangay Theatre Guild (BTG) noong 1939, ang kauna-unahang organisasyong pang-teatro sa bansa.
Taong 1976 nang hirangin si Lamberto bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa
Teatro at Pelikula. Samantala, ang kanyang maybahay na si Daisy ay naging Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1999.
Pumanaw si Daisy noong Mayo 2013 sa edad na 96. Samantalang sumakabilang-buhay si Lamberto noong Abril 1991 sa edad na 76. -- FRJimenez, GMA News