Sinampahan nina Sharon Cuneta at ang kaniyang mister na dating senador na si Francis “Kiko” Pangilinan, ng reklamong cyber libel ang showbiz columnist at online talk show host na si Cristy Fermin.

Ayon kay Nelson Canlas ng GMA Integrated News, nagsampa ng reklamo ang mag-asawa sa Makati City Prosecutor's Office nitong Biyernes para sa "broadcasting baseless and malicious statements regarding their personal and family affairs."

Sinisikap pa ng GMA News Online na makunan ng pahayag si Fermin, ngunit hindi pa nakatatanggap ng tugon.

Naging paksa ng maraming usapin ng hiwalayan sina Sharon at Kiko. Inamin ng mag-asawa na nagkaroon sila ng mga pagtatalo, ngunit nagkaayos din sila.

Nitong nakaraang linggo, sinampahan din ni Bea Alonzo ng reklamong cyber libel sina Fermin at Ogie Diaz, at ang kanilang mga co-host sa kani-kanilang mga programa.

Kinilala ni Fermin ang karapatan ni Bea na magsampa ng reklamong online libel laban sa kaniya, at handa raw siya na harapin ito. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News