Hindi mapigilang maluha ni Kristoffer Martin nang alalahanin ang mga panahon nang iwan niya noon ang kaniyang mag-ina, na kaniya na ngayong pinagsisisihan at tinitiyak na makakabawi sa kaniyang pagkakamali.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Kristoffer kung ano ang “pinakamalaking kasalanan” na kaniyang ginawa pagdating sa pag-ibig.

“Siguro nasabi ko naman na po… Nalaman na po ng lahat… Siguro Tito Boy noong naiwan ko po ‘yung pamilya ko,” pag-amin ni Kristoffer.

“May certain na nangyari sa buhay namin na umalis ako, ilang months din po ‘yun. Naiwan po talaga sila Tito Boy.”

Labis daw na naapektuhan ang anak nila ni AC Banzon na si Pré.

“Napagkuwentuhan na namin siya at kami ni AC, naging okay na kami, kung paano sila, na lagi raw akong hinahanap ni Pré noong mga panahon na 'yon, na naghahanap ng tatay," sabi niya.

Inamin ni Kristoffer na nagsisisi siya sa kaniyang ginawa.

“Mga regrets mo Tito Boy na, sana hindi ko na lang ginawa, sana hindi na lang. Pero parang, sabi ko nga, Tito Boy, may mga darating sa buhay mo na ia-allow ni Lord eh, kahit gaano man kasakit, kahit 'di mo siya maintindihan, pero kasi laging may result 'yon na magandang kalalabasan."

Sa kabila nito, sinabi ni Kristoffer na nagkaroon sila ng pag-uusap ni AC na kung hindi dumating ang pagsubok sa kanilang buhay, walang magiging pagbabago sa kanilang relasyon.

Bago nito, lagi raw silang away nang away ni AC bilang mag-partner, ayon kay Kristoffer.

"Engaged na po kami noon tapos nu’ng nagkakausap na kami, kinausap niya ako na, 'Alam mo kung hindi nangyari 'yon, baka hindi ko rin gustong magpakasal sa 'yo,'" pag-alala ni Kristoffer na sinabi ni AC.

Sa kabutihang palad, napalapit sina Kristoffer at AC sa Panginoon noong panahon ng kanilang pagsubok.

“Ito rin ‘yung mga tanong ko na ako, ‘Ito ‘yung gusto ko, uunahin ko ‘yung gusto ko,’ pero hindi pala ito ‘yung plano ni Lord sa buhay namin,” ani Kristoffer.

“Kumbaga mas minahal namin ‘yung isa’t isa, lalo na ‘yung pamilya namin dahil sa nangyari,” pagpapatuloy niya.

Pag-amin pa ni Kristoffer, hindi siya “proud” sa ginawa niyang pagkakamali.

"'Tito Boy hindi ako proud ha. Kasi kung iisipin ko, kupal eh. Sobrang kupal nu’ng time na ginawa ko 'yon," sabi niya.

"Nagpadala [ako], Tito Boy, na parang ‘Ito ang gusto ko.’ Wala akong ibang sisisihin kundi sarili ko kasi ako po 'yun eh. Ako 'yung nagdala sa sarili ko sa sitwasyon na 'yon,” dagdag niya.

 

Sinabi niya namang walang dapat sisihin na ibang tao kundi siya.

"Kumbaga, 'yung nangyari na 'yon, hindi po ako magdadawit ng ibang tao na parang hilahin [sila]. Hindi, ako po lahat 'yon. 'Yung fault na 'yon, sa 'kin po. Nasaktan ko 'yung pamilya ko nang dahil sa 'kin,” sabi niya.

“Walang ibang sisisihin doon sa nangyari sa amin kundi ako,” pagpapatuloy ni Kristoffer.

Sa naturang episode, binigyan si Kristoffer ng pagkakataon na magbigay ng mensahe sa kaniyang mag-ina.

"Gusto ko lang humingi ng sorry sa anak ko, 'yung mga panahon na hinanap niya ako. Kasi grabe po talaga… kasi everyday ko rin siyang nami-miss noon," maluha-luhang sabi ni Kristoffer.

“Tapos sa asawa ko, kay AC. Love, ikaw 'yung pinakanasaktan. Sa 'yo ako may pinakamalaking kasalanan pero ikaw pa rin 'yung nagpakita sa 'kin ng totoong pagmamahal. 'Yung unconditional love, binigay mo 'yon sa akin, sa amin ni Pré. Hindi mo 'yun pinagkait, araw-araw mong pinaparamdam, araw-araw mo kaming inaalagaan."

Ayon pa kay Kristoffer, hindi mapapantayan ang pagmamahal ng kaniyang asawa.

“‘Yung pagmamahal ni AC, hindi po mapapantayan. Never kong masasabi na mae-experience ko ulit ‘yung ganoong klaseng love. Na kahit gaano mo nasaktan ‘yung isang tao, mamahalin ka pa rin nang buo. Every day, ako ‘yung gumigising na hindi niya ipapamukha sa ‘yo ‘yung kasalanan mo.”

“Every day sasabihin niya, ‘Mahal kita, ang guwapo mo. Pagsisilbihan kita, asawa kita. Ikaw lang ‘yung gusto ko laging makasama araw-araw,” pagpapatuloy ni Kristoffer.

Dahil dito, tinitiyak niyang makababawi siya sa kaniyang mag-ina.

"Every day, Tito Boy, 'yun 'yung parang ano sa 'kin, na kailangan kong magmake-up doon sa mistake. Every day, forever 'yon, Tito Boy. Hinding-hindi mawawala. Kasi once na tanggalin ko sa utak ko ‘yun na ‘Okay na, nakabawi na ako,’ hindi enough ‘yun Tito Boy. Habambuhay kong dadalhin ‘yung ginawa kong ‘yun.”

Ikinasal sina Kristoffer at AC sa Capas, Tarlac noong Pebrero 2022. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News