Kabilang ang Kapuso actress na si Rhian Ramos sa maraming pasahero na na-stranded sa Dubai International Airport sanhi nang matinding ulan na nagpabaha maging sa runway ng paliparan.

Sa kaniyang post sa X (dating Twitter) nitong Biyernes, ibinahagi ng aktres ang larawan na nagpapakita ng sitwasyon sa airport.

Kabilang ang inilatag niyang sapin sa sahig na nagsilbi niyang higaan. Ipinakita rin niya ang sitwasyon sa connections desk na puno ng mga tao.

"Is there anyone from Emirates in Dubai that can help us? We need to rebook please," saad ni Rhian.

Pagkaraan ng ilang oras, muling nag-post ang aktres na tila matatapos na ang kalbaryo niya sa airport.

"Hallelujah! Thank you Lord!," masayang saad ni Rhian sa tinawag niyang "super miracle" na nangyari.

"So happy to be coming home," saad pa niya sa post. "So excited to shower too."

Sa Instagram Stories, ibinahagi ng aktres ang ilang larawan sa pananatili niya sa paliparan at sinabi niyang dalawang araw siyang natulog sa sahig.
 
Dahil sa matinding ulan sa UAE na tumagal ng ilang araw, binaha maging runway at maraming flight ang nakansela sa Dubai International Airport.

Nitong Huwebes, sinabi ng Dubai Airports chief operating officer na si Majed Al Joker, na babalik sa normal ang kanilang operasyon sa loob ng 24 oras.

Tatlong overseas Filipino worker ang nasawi sa gitna nang nangyari pag-ulan at pagbaha sa UAE.— FRJ, GMA Integrated News