Dahil sa mga hit song niya na tungkol sa hiwalayan gaya ng "Paalam Na," nabansagan si Rachel Alejandro na "Queen of Heartbreak Songs." Pero sino kaya sa mga ex-boyfriend niya nahirapang makapag-move on noon ang singer-actress?

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes," napaisip si Rachel nang tanungin ng King of Talk tungkol sa dati niyang nobyo na nahirapan siyang makapag-move on.

"I think my second boyfriend. Yung kay Lee Robin Salazar," sagot ni Rachel.

Binanggit ng singer-actress na ang tagal at intensity ng relasyon nila ni Lee ang dahilan kaya nahirapan siyang makapag-move on.

Tinawag din ni Rachel na "difficult" ang break-up nila ng singer-actor na si Dingdong Avanzado.

Gayunman, tila natutunan naman ni Rachel sa kaniyang ama na si Hajji Alejandro kung papaano magiging matatag pagdating sa heartbreak.

Kuwento ni Rachel, sinabi ng kaniyang ama na naranasan na nito ang worst heartbreak at nakita niya kung papaano ito nalampasan ni Hajji.

Sa isang guesting nina Rachel at Lee noon sa dating programang "Mars," sinabi ng aktor na si Rachel ang nakipaghiwalay sa kaniya.

Makikita naman sa naturang guesting na nananatiling magkaibigan ang dalawa.

Ikinasal si Rachel sa Spanish journalist na si Carlos Santamaria noong 2011. -- FRJ, GMA Integrated News