Nagbabala ang Kapuso stars laban sa mga nagkalat na mga pekeng social media account na gumagaya sa kanila para makapanghingi ng mga personal na detalye at donasyon mula sa netizens. Kabilang sa mga ginagaya, sina Marian Rivera at Maine Mendoza na umano/y nagbibigay pa ng papremyo.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kaliwa't kanan ang pagkalat ng pekeng Facebook pages at social media accounts ng celebrities.

ALAMIN: 'Phishing' at iba pang online scam, paano matutunugan para 'di mabiktima?

May isang nagpapanggap na si Marian Rivera gamit ang pangalang "Marian Rivera" sa Facebook, at nagkaroon na ito ng mahigit 70,000 likes.

Nag-anunsyo ang account na mamimigay daw ito ng P5,000 para sa lahat ng mga Kapuso, at i-private message lang daw ito.

Pinabulaanan ito ni Marian.

May gumamit din ng pangalan ni Maine Mendoza, na nagsaad din na may ibibigay na papremyo ang Eat Bulaga at GMA.

Mananalo raw ng P5,000 hanggang P50,000 ang sinomang sasali sa kanilang promo, pero kailangan munang magbigay ng pangalan at iba pang impormasyon ang publiko.

Nagbigay na ng babala si Rams David, manager nina Marian at Maine na mag-ingat sa mga kumakalat na pekeng account na ginagamit ang pangalan at mga larawan nina Marian at Maine.

Mayroon ding account na "Bossing tv" na gumagamit ng picture ni "Bossing" Vic Sotto, at namimigay ito ng P5,000, pero ilagay lang sa comments ang pangalan, address at contact number ng sasali.

Pati project ng Kapuso mommies na "Project: Alalay Kay Nanay," na may layong tulungan ang mga mommy ngayong lockdown, may poser account na rin.

Ginaya ng account ang orihinal na pangalan at litrato ng Facebook page at humiling na padalahan sila ng private message sa mga nais mag-donate.

Itinanggi nina Camille Prats at Chariz Solomon na ito ang kanilang Facebook page. Nagbabala na sila sa kanilang Instagram accounts.

May mahigit nang 48,000 likes ang kanilang mga official at tunay na Facebook page at dito nakasulat ang kanilang bank details.

Sinabi ng Philippine National Police, maaaring maghain ng reklamo ang mga naging biktima ng online scam o estafa at mga personalidad na biktima rin ng computer-related identity theft.

Dapat mag-ingat ang publiko sa pagbibigay ng impormasyon online dahil maraming mapagsamantala.

"Malaki po 'yung tiyansa na ito nga po ay gagamitin po sa hindi magandang gawain ng mga mapagsamantala po na mga cybercriminals kagaya po ng ating mga contact numbers, address," sabi ni Police Captain Jeck Robin Liyag Gammad, Chief PIO, PNP-Anti-Cybercrime Group.

Pinayuhan din niya ang mga celebrity naging biktima ng mga computer-related identity theft na mag-post ng disclaimer at ipaalam sa publiko tungkol sa panggagaya na ginagawa sa kanilang mga social media accounts.--Jamil Santos/FRJ, GMA News