Marami ang nagsasabi na isang mabuting bunga ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine ang pagkakaroon ng mga magulang ng panahon na maka-bonding ang mga anak.

Sa Instagram ni Jinkee Pacquiao, ipinost niya ang larawan nila ng mister na si Senador Manny Pacquiao habang tinuturaang maglaba ang dalawa nilang anak na babae na sina Mary at Queenie.

Nakaupo sa mga bangkito ang mag-anak habang nasa harap nila ang ilang labahin.

"Habang naka-quarantine, tinuruan namin ang mga girls kung paano maglaba," saad ni Jinkee sa caption.

"Happy ako sa mga anak ko dahil masunurin sila at gusto rin nilang matutunan ang paglalaba. Abangan nyo po sa youtube channel ko ang video," dagdag niya.

 

 

Mula sa mahirap na pamilya ang senador na unti-unting umangat sa buhay dahil sa tagumpay bilang isang mahusay na boksingero.

Nasa kanilang bahay sa Makati ang pamilya Pacquiao.

Kamakailan lang, kinailangang mag-self-quarantine si Sen. Pacquiao matapos makasalamuha si Senador Koko Pimentel na nagpositibo sa COVID-19.

Pero lumitaw na negatibo sa virus si Pacquiao nang magsagawa COVID-19 rapid test na mula South Korea.--FRJ, GMA News