Sa ikalawang araw ng paghahain ng certificate of candidacy ngayong Biyernes sa Commission on Election, ilang celebrity na ang naghain ng kani-kanilang kandidatura para sa iba't ibang posisyon na kanilang tatakbuhan sa 2019 midterm elections.

Kabilang sa kanila ang Star for All Season na si Vilma Santos-Recto na muling tatakbong kongresista ng Batangas.


Kakandidato rin muli bilang alkalde ng Ormoc City ang aktor na si Richard Gomez.

Senador naman ang posisyon na inaasinta ng OPM legend na si Freddie Aguilar.

Ang aktor na si Roderick Paulate na kasalukuyang konsehal sa Quezon City, kakandidatong bise alkalde ng lungsod sa susunod na taon.


Makakalaban ni Roderick sa naturang posisyon ang anak ni Senate President Tito Sotto, na si Gian Sotto, na kasalukuyang konsehal din ng Quezon City.

Naghain na rin ng kandidatura bilang alkalde ng Maynila si Isko Moreno, na nagbitiw sa kaniyang posisyon bilang undersecretary of the Department of Social Welfare and Development.

Inaasahan na makakalaban ni Isko ang kasalukuyang alkalde ng lungsod at dati ring aktor na si Joseph "Erap" Estrada.

Ang anak ni Erap na si Jerika Ejercito, tatakbo namang konsehal sa Maynila.

Konsehal naman sa Angeles, Pampanga ang target na masungkit ng dating Viva Hot babes na si Jaycee Parker-Aguas.

Naghain din ng COC ang pamangkin ni Erap na si ER Ejercito para tumakbong muli bilang gobernador ng Laguna.

Muli namang tatakbo bilang alkalde ng Bacoor sa Cavite ang aktres na si Lani Mercado-Revilla.

Inaasahan na maghahain din ng COC para tumakbong senador ang kaniyang mister na si dating senador Bong Revilla.

Bukod kay Bong, inaasahan din maghahain ng kanilang COC para tumakbong muling senador ang mga aktor na sina Lito Lapid at Jinggoy Estrada.  -- FRJ, GMA News