Dahil sa kaniyang pagiging sexy actor noon at dala na rin ng kabataan, aminado si Leandro Baldemor na marami siyang nagawang kalokohan at lahat ay tiniis ng kaniyang naging misis.
Sa programang "Mars," ikinuwento ni Leandro na childhood sweetheart niya ang kaniyang naging asawa kaya mahabang panahon na nagtiis ito at nagpasensiya sa kaniya.
"Napagdaanan niya lahat ng sakit ng ulo. Siyempre bata pa tayo nu'n, kasi childhood sweetheart ko 'yun eh. So ang mangyayari, 'yung mga sakit ng ulo sa aking mga kalokohan, sinalo niya," saad ni Leandro na napanood sa maraming sexy movie noon.
Ngunit bumabawi naman daw si Leandro sa kaniyang asawa.
"At ngayon, bumabawi naman ako. Konting ano, bawi ako dahil sa sakit ng ulo na binigay ko sa kaniya. Talagang hindi ko na maisa-isa pa," pahayag ng aktor na pag-uukit na ang pangunahing negosyo ngayon sa Laguna.
Napanood si Leandro noon sa mga sexy movies tulad ng Tukso Layuan Mo Ako 2 (1996), Sariwa (1996), Hawakan Mo Ako (1997), Walang Dayaan Akin ang Malaki (1997).
Giit ni Leandro, kahit isa siyang sexy star, hindi siya nagsasamantala o nagte-take advantage sa kaniyang mga leading lady.
"At alam ko kasi 'yung babae, siyempre, irerespeto mo 'yan kahit na sexy. Kaya nga sabi ko du'n sa mga baguhan ngayon na ang tingin sa akin, nakita lang ako sa sexy, sexy. Sabi ko 'Kahit ganiyan ako, kahit nag-sexy ako noon, wala kayong makakausap na nag-take ako sa aking leading lady," saad.
Panoorin ang buong panayam kay Leandro kasama ang dating sexy star na si Klaudia Koronel.
--FRJ, GMA News