Matapos magpakilig bilang si Yuan Lee sa hit show na "Meant to Be", isang challenging role na naman ang gagampanan ng Kapuso aktor na si Ken Chan sa bagong Afternoon Prime series na, "My Special Tatay."

 


Gagampanan ni Ken ang role ang natatanging ama sa katauhan ni Boyet na may may intellectual disability.

Pero magbabago ang kaniyang buhay nang isang babae ang magsasabing siya ang ama ng kaniyang dinadalang anak.

Sa kabila ng kaniyang kondisyon, sisikapin ni Boyet na maging mabuti at responsableng ama.

"Napakasuwerte ko dahil ma-e-experience ko ang pinagdadaanan ng isang taong may intellectual disability ... [layon naming] ikuwento sa mga viewer o ipaintindi sa kanila kung ano 'yong nararanasan ng mga taong may intellectual disability," saad ni Ken sa isang panayam.

Matatandaang mainit ang naging pagtanggap ng mga manonood sa pagganap ni Ken bilang isang transgender sa "Destiny Rose", kung kaya naman pinaghahandaan niya ang kaniyang bagong role.

"No'ng nalaman ko po na ibinigay sa akin itong 'My Special Tatay', kaagad po akong nag-immerse sa mga schools [for people with learning disabilities]. Nag-observe po ako, nag-interview ako," pagbabahagi ni Ken.

Dagdag niya, "Sa totoo lang, ang sarap nilang kausap. Parang ang daming nilang alam...mas marami silang alam kaysa sa akin. Nakakatuwa dahil ang dami nilang sinasabi at ang dami mong matutunan sa kanila."

Ayon kay Ken, hindi sila kakaiba ngunit talagang "gifted." 

"Ang swerte ko that I'll get to step into their shoes," saad niya.

Bukod pa sa magandang role, excited din si Ken na makatrabaho ang "That's Entertainment" star na si Lilet. Ang singer at ngayo'y nagbabalik na artista ang gaganap na ina ni Boyet.

 



Ito ang unang serye ni Lilet para sa GMA.

"By far, ito 'yong most challenging role since nag-start ako as an actress. Abangan ninyo," saad ng singer-actress.

Makakasama sa serye sila Jestoni Alarcon, Teresa Loyzaga, Carmen Soriano, Lito Legazpi, Bembol Roco, Soliman Cruz, Candy Pangilinan, Bruno Gabriel, Jillian Ward, Arra San Agustin, at Isabel De Leon. 

Mapapanood ang "My Special Tatay" sa Afternoon Prime ngayong Agosto. -- FRJ, GMA News