Nakalaya na ang aktres na si Krista Miller matapos pawalang-sala ng Valenzuela court sa kinasangkutang kaso na may kaugnayan sa iligal na droga.

Nakalabas ng Valenzuela City Jail noong nakaraang Biyernes, May 25, si Krista, batay sa kautusan ni Judge Snooky Maria Ana Bareno-Sagayo ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 283.

READ: Sabrina M.,  Krista Miller, itinangging drug pusher sila

Pinawalang-sala ng korte si Krista dahil sa kakulangan ng ebidensiya na isinumite ng prosekusyon.

Nadetine ang aktres sa city jail  noong Oktubre 2016, matapos siyang maaresto ng mga awtoridad sa umano'y buy-bust operation sa isang gasoline station sa Valenzuela, kasama ang isang Aaron Medina.

Bago nito, dalawang modelo ang unang naaresto ng mga awtoridad at itinuro umano si Krista na pinagmulan ng droga.

Kinasuhan si Krista at Medina ng paglabag sa Section 5 kaugnay sa Section 26 ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Gayunman, kapwa pinawalang-sala ng korte ang dalawa noong Mayo 22, at tuluyang nakalabas ng piitan ng Mayo 25.

Nang araw na makalaya siya, nag-post si Krista ng mensahe sa kaniyang social media account ng salitang "Thank you Lord!," at nakasaad ang katagang "feeling happy."— FRJ, GMA News