Masaya si Matt Evans sa kaniyang paglipat sa GMA-7 lalo na't hindi siya nababakante sa trabaho, at natupad ang pangarap niyang makatrabaho si Marian Rivera.
“Kasi hindi pa ako tumitigil ng trabaho," anang aktor sa ulat ni Rommel Gonzales sa PEP.ph nitong Biyernes. “Masasabi ko, sana, sana po yung itinagal ko dun sa kabila, mas mahigitan ko dito.”
Noong August 2017 lumipat sa Kapuso network si Matt mula sa kabilang network kung saan nanatili siya ng 11 taon.
Dagdag kasiyahan kay Matt ang katuparan ng kaniyang pangarap na makatrabaho si Marian Rivera.
Magkasama ang dalawa sa weekly comedy-variety show na "Sunday PinaSaya."
Pag-amin ng aktor, nahihiya siya kay Marian sa simula at mistula raw siyang basang sisiw kapag katabi ang Kapuso Primetime Queen.
“Nahihiya ho talaga ako nang todo, e, nahihiya ako.
“Siyempre si Madam yun, e.
“Pero nung nakausap ko na, sobrang parang ang tagal niyo nang magkakilala.
“Yung trato niya sa tao, parang ang tagal mo nang kakilala.
"Ganun siyang makipag-usap, yung approach niya.
“So, parang siya na rin po yung nagtanggal nung hiya ko sa kanya.
“So, ngayon, mas kampante na ako, nabibiro ko na.”
Bukod sa "Sunday Pinasaya," hangad ni Matt na makasama si Marian sa isang teleserye.
Sa ngayon, magiging guest si Matt sa primeseries na "The Cure" bilang si Elmer, asawa ni Myra na gagampanan naman ng isa pa ring guest star ng show na si Kris Bernal.
“Kami po yung pamilyang tumulong sa kanila nung naghahanap sila ng matatakbuhan,” pagtukoy niya sa mga karakter ng mga bidang sina Jennylyn Mercado at Tom Rodriguez.
Mula sa pagiging salbahe sa "Sherlock Jr.", mabait naman ang role ni Matt sa "The Cure."-- For more showbiz news, visit PEP.ph