Pumanaw na ang 69-anyos na dating aktor at stunt director ngayon ng "Ika-6 Na Utos" na si Baldo Marro. Ang aktres na si Sunshine Dizon, sinariwa ang pagsasama nila sa isang pelikula noong bata pa siya.
Sa artikulo ni Nikko Tuazon sa PEP.ph nitong Linggo, sinabi ng anak ni Baldo na si Monching sa palitan ng text messages na komplikasyon sa kalusugan ang naging dahilan ng pagpanaw ng kaniyang ama.
"3 days after dinala namin siya sa chinese general. Na check lahat pwedeng i-check sa kanya.
"Ang na find out lang is Denque but suddenly gumaling agad siya. Malakas na siya kaya umuwi na kami at nagpahinga na siya sa bahay. Ready for taping na.
"Sadly po nung gabi nilagnat na naman siya. After two days dinala na namin siya sa St. Dominic Hospital kasi sumuka na po siya ng dugo. And from emergency transfer siya sa ICU...
"Nakuha namin result kinabukasan ok naman lahat sabi ni doctor normal lahat liver, blood pressure, etc. Except sa ulcer niya may butas ang bituka. Nag-normalize naman po lahat.
"Pero nung gabi nagsuka na naman siya ng dugo tapos nirevive siya almost 10 times. di na kinaya ni tatay... ang sakit po ang bilis ng pangyayari. Binigla kmi ng tatay," saad ni Monching.
Naging character actor at stunt man si Baldo na dating taxi driver, hanggang sa nagkaroon ng break na maging bida sa pelikula.
Naging Best Actor siya sa 1988 Metro Manila Film Festival sa pinagbidahan niyang pelikula na "Patrolman," kung saan kasama niya ang child star pa lang noon at ngayong "Ika-6 Na Utos" lead star na si Sunshine Dizon.
Sa Instragram post ni Sunshine, ibinahagi ng aktres ang kalungkutan sa pagpanaw ni Baldo, na tinatawag niyang "tatay Baldo."
"Ang di ko malilimutan ay nung naging anak nya ako sa pelikulang “PATROLMAN” i was nominated for best child performer lahat sila sinabi mananalo daw ako i was only 4 or 5 years old and I expected somehow that i will win pero ibang bata ang nanalo. Sa sobrang iyak ko nun parang batang naagawan ng candy," kuwento ng aktres na caption sa larawan ng poster ng pelikulang "Patrolman."
"Nung tinawag na si Tatay at nanalo ng Best Actor sinama nya ako on stage at ako ang pinahawak ng trophy nya at sabi sakin anak wag ka na umiyak panalo na din daw ako. I remember he was giving his speech ako may hawak ng award ni Tatay at feeling ko nanalo nga din ako. At yun ang di ko malilimutan kay Tatay sa lahat ng pag kakataon na nag kasama at nag katrabaho kami," patuloy niya.
Ikinalungkot ni Sunshine na hindi niya nadalaw si Baldo sa ospital dahil sa buong paniniwala niya ay maayos na ang kalagayan nito at nagpapagaling na lamang.
Maraming action stars ang nakatrabaho si Baldo, kabilang na si Bong Revilla, na nagsabing malaking kawalan sa industriya ang pagpanaw ng stunt direktor.
Ayon sa misis ni Bong na si Cavite Rep. Lani Mercado, halos lahat ng pelikula at TV projects ng kaniyang mister ay si Baldo ang naging fight instructor.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang aktres na si Ina Feleo sa mga naulila ni Baldo.
"Labyu Tay Baldo. Salamat sa proteksyon mo sa lahat ng maseselang eksena. Isang karangalan na nakatrabaho kita at yung kwento mo sa akin nung si daddy [namayapang si Johnny Delgado] pa ang tinuturuan mo ng fight scene sa una niyang pelikula. Ang hirap paniwalaan," anang aktres na nakasama si Baldo sa "Sana Makita Kang Muli."
-- FRJ, GMA News