Inoobserbahan pa ngayon ng mga doktor ang isang binatilyong nasabugan ng vape upang matukoy kung mangangailangan pa ng operasyon.

Ayon sa ulat nitong Lunes ni Ivan Mayrina sa Unang Balita ng GMA News, nasa alanganing kondisyon pa rin ngayon si King Sardea matapos sumabog ang hinihithit na vape.

Ayon sa kanyang ina, namamaga pa rin ang lalamunan ng kanyang anak at hindi makakain.

“Namamaga rin itong lalamunan niya. E siyempre pwedeng magkaroon din tayo ng komplikasyon. 'Yun 'yung kinaka-worry ko,” sabi ng ina.

Itinuturong dahilan ang battery sa pagsabog ng vape.

Ipinakita ang ulat tungkol sa nangyari kay King sa isang vape shop sa Quezon City. Anila, walang ibang puwedeng maging sanhi ng pagsabog kundi ang sinasabing baterya na inilagay ni King mula sa kanyang naka-swap na nakilala online.

Nagkakahalagang P580 ang primera klase na battery ng vape, pero may ibinebenta online na halagang P200 lang ngunit 'di tiyak ang kalidad.

"Siguro po baligtad lang talaga pagkakalagay niya… Baka secondhand sir o kaya clone po 'yung binenta sa kanya. Sumasabog po siya ‘pag mali po 'yung pagkakalagay,” ani Kyle Canque na empleyado ng Vape Room.

Ang baterya ng vape ang nagpapa-init sa coil sa loob nito para ma-vaporize o maging usok ang inilalagay ditong likido o juice.

Ayon kay Ian Manalo, isang electrical engineer at retiradong opisyal ng Bureau of Fire Protection, tulad ng kahit anong gadget na pinatatakbo ng kuryente, nariyan lagi ang posibilidad na sumabog ang isang vape kapag hindi akma ang ginamit na baterya.

Sa kaso ng nangyari kay King, maaaring sira o depektibo na raw talaga ang baterya o hindi akma ang kapasidad nito sa kailangang boltahe ng vape.

“Pagka nagko-connect na 'yung mga circuitry niya meron ding electric arc 'yun at kapagka hindi nakaya nu'ng paggagamitan nu'ng kuryente, puwedeng sumabog 'yun, 'pag wear and tear luma na o 'pag hindi pareho, hindi compatible,” sabi ni Manalo.

Sabi ng ina ni King, pumayag na makipagkita sa kanya ang pinanggalingan ng hinihinalang depektibong baterya pero hindi raw ito sumipot.

“May responsibility rin sila dito, kasi ang sabi ng nanay gumagawa daw 'yung anak niya ng vape, nag-aayos, pero 'yung anak niya walang shop. So ibig sabihin hindi siya lisensyado,” sabi ng ina ni King.

E-cigarettes

Walang malinaw na datos kung gaano karami ang gumagamit ng vape sa Pilipinas, pero sa Global Adult Tobacco Survey noong 2015, nasa 2.8 percent ng mga na-survey sa Pilipinas ang nagsabing nakagamit na sila ng e-cigarette.

Sa mga kabataan naman, halos 12 percent ng mga estudyanteng edad 13 hanggang 15 ang nagsabing nakagamit na sila ng e-cigarette.

Sa kasalukuyan, walang batas o ahensya na nagre-regulate sa vaping.

Kaya mismong ang Philippine E-Cigarette Industry Association ang nananawagan para rito.

“Importante 'yung hinihingi namin sa Kongreso at sa Senate na ma-regulate na itong vaping, kasi po para maprotektahan lahat ng gumagamit nito,” sabi ni Joey Dulay, presidente ng Philippine E-Cigarette Industry Association. —Joviland Rita/KG, GMA News