Natukoy na raw ng pulisya ang isa umanong miyembro ng New People's Army (NPA) na nasa likod umano ng pagpatay sa siyam na magsasaka sa Sagay City, Negros Occidental.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston nitong Martes sa "24 Oras," pamamaslang para magdulot ng galit laban sa gobyerno ang isa sa mga motibo na tinitignan ng mga awtoridad sa masaker.
Personal din daw na kakilala ng isa sa mga saksi ang suspek na miyembro umano ng NPA.
"The witness knows personally one of the suspects because, accordingly, he lives here. And, therefore, he can tell exactly what happened," ayon kay PNP Spokesperson Chief Superintendent John Bulalacao.
Nakumpirma na rin daw sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na malakas ang NPA sa naturang lugar.
"Alam naman nila na very critical 'yung area. And they will use the, maybe, the ignorance of those people na dalhin sila dito. And I believe na malakas ang ano dito ng NPA," dagdag ni Bulalacao.
Nakiusap naman si Agrarian Reform Secretary John Castricciones sa mga magsasaka na huwag magpahijayat sa mga marahas na estilo ng pagkamkam ng lupa ng mga makakaliwang grupo.
Dapat daw tandaan na may 90,000 ektarya na ipamimigay ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Negros Occidental at meron pa raw ng higit 500,000 ektarya sa buong bansa.
Ayon kay Negros Occidental Governor Alfredo Maranon Jr., mabibigyan ng sariling lupa ang mga pamilya ng siyam na biktima.
Habang nakatakdang bumisita si Pangulong Rodrigo sa mga naulila, nagsagawa ng rally ang ilang mga residente sa labas ng City Hall.
Ayon kay Cecilia Mendoza ng grupong Task Force Mapalad, balak raw nilang ipakiusap kay Presidente na pabilisin ang proseso ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). —NB, GMA News