Nahulihan ng marijuana ang isang estudyante pagkatapos makipaghabulan sa mga tanod noong Huwebes ng gabi sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita," rumoronda ang mga tanod ng Barangay Sacred Heart nang mapansin nila ang estudyante na kinilalang si Jairus Quenobeba, 19, na may kahina-hinalang kilos.
“Napansin namin siya na parang iba. Pasilip-silip sa mga sasakyan, kaya kinausap ng mga Barangay Public Safety Officer (BPSO) o tanod naming,” kwento ng barangay chairman Camille Malig David.
Tumakbo raw si Quenobeba nang sitahin siya ng mga tanod.
Nakuha naman sa CCTV ang habulan ng suspek at ng mga tanod sa kalsada ng Scout Fuentebella at Scout Rallos.
Aminado naman ang suspek na isang Grade 9 student na sa kanya nga ang nakumpiskang marijuana.
“Para po siya sa asthma ko... ‘pag naglalaro ng basketball,” paliwanag ni Quenobeba.
Haharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 or Republic Act No. 9165. —Joviland Rita/LBG, GMA News