Viral ngayon sa social media ang video ng isang lalaki na nagtatangka umanong magbukas ng pinto ng mga nakaparadang sasakyan sa Aurora Boulevard, Quezon City.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa 24 Oras nitong Miyerkoles, inakala ng mga tao na wala sa tamang pagiisip ang lalaki, subalit makikita sa video na noong mapansin niyang kinukuhanan siya ng video, agad siyang tumalikod at naglakad papalayo sa sasakyan.

"Pilit na binubuksan po 'yung kotse, biglang naggo, hinabol niya pa ron tapos tumakbo pa siya ron. Ayun di ko na alam kung sumakay o ano," sabi ng saksi na si Gerorge Baldo, tindero ng sigarilyo.

Ayon kay Baldo, hindi raw taga-roon ang lalaki at ngayon lamang daw niya ito nakita: "First time ko lang po nakita 'yun."

Hinala ng mga awtoridad, maaaring hindi totoong may problema sa pag-iisip ang lalaki at posibleng ito ang kaniyang modus para makapagnakaw sa mga nakahintong sasakyan.

"Siguro 'yung modus kasi paiba-iba na sila ng ano ng ginagawa kasi nasusunog na 'yung iba, ngayon ang modus nila parang nagbabaliw-baliwan na raw siguro," sabi ni Senior Police Officer 1 Francisco Aquino ng Quezon City Police District (QCPD) Station 8.

Nagbabala rin si Aquino sa mga insidente ng pagnanakaw o panghahablot ng mga gamit sa sasakyan dahil pangkaraniwan na raw ito sa lugar.

Target daw nito ang mga pasahero ng jeep, mga sasakyang hindi naka-lock ang pinto at mga nakabukas na bintana.

"Payo natin sa ibang driver o occupant ng sasakyan, iwasan na lang natin 'yung nakabukas na pinto. Kailangan laging nakalock 'yan," sabi ni Aquino. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News