Itinitinda ngayon sa opisina ng Bureau of Plant Industry sa San Andres Street, Malate, Maynila ang mga mas murang prutas at gulay bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita," sinabing bukas ang pamilihan nitong Biyernes hanggang Sabado lamang, mula 7 a.m. hanggang 5 p.m. o hanggang maubos ang supply.
Dumating ang tatlong tonelada ng gulay mula pa Bukidnon na ayon sa Department of Agriculture (DA) ay mga farm-gate prices o mas mura kaysa sa mga pamilihan dahil diretso itong kinuha mula sa mga magsasaka.
Ang mga gulay ay mabibili sa sumusunod na halaga:
- Patatas - P45 per kilo
- Chinese cabbage - P75/kg
- Sweet corn - P30
- Bell pepper - P120
- Sweet pea - P100
- Broccoli - P80
- Lettuce - P200
- Cauliflower - P80
- Kalabasa - P20
- Monggo - P80
- Talong - P55
- Kamatis - P40
- Sayote - P40
- Siling labuyo - P800 pero kilo; mas maliit na klase - P400/kg
May ilang prutas ding binibenta tulad ng durian, lansones, rambutan, mangosteen at pinya.
"From Quezon City, nabalitaan ko siya kahapon kaya [sinubukan] ko nga. Dahil every week namamalengke kami. Mas marami akong nabili sa halagang P500 plus," ayon sa isang mamimili.
Umaga pa lang ng 5:30 ay mga nagsidayuhan na ang mga mamimili.
Ayon kay DA Secretary Manny Piñol, kasama na sa presyo ng mga naturang gulay ang cost of transportation nito.
Pahayag ni Piñol, nakatakdang makipagpulong ang mga magsasaka sa market vendors association, homeowners association at supermarket outlets para sa direct linkage ng pagbebenta.
Ipinagbabawal aniya ang bulk-buying para maiwasan ang pagbili ng iba saka ibebenta sa mas mataas na presyo. —Jamil Santos/LBG, GMA News