Isang turistang Tsino ang dinukot at pinahirapan umano ng ilan niyang kababayan at ilang Pinoy nang na hindi niya mabayaran ang nautang niya sa mga suspek na nagamit niya sa casino.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, maririnig ang pagmamakaawa ng biktima sa mga suspek na walang-awang humataw sa likuran niya gamit ang makapal na sinturon.
Sinampal din siya at kinuryente ng mga suspek.
Tinukoy si Haichao Lin na utak sa pagdukot umano sa biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, naglaro sa casino ang biktima sa isang hotel sa Pasay City. Nang maubusan na siya ng pera, lumapit daw ang mga loan shark at inalok siya ng perang pang-casino.
Nang matalo at hindi makabayad, dinukot na siya ng mga suspek. Dito na napilitan ang pamilya ng biktima na magbayad ng P300,000 para matubos ang biktima.
Subalit hindi umano tumupad sa usapan ang mga suspek at muling humingi ng P90,000.
Sa isang cellphone video conversation, madidinig ang pagbabanta ng mga suspek sa biktima.
"Your sister put us on a blacklist and because of that you have to pay. I waited for a call/response from your family but no one contacted me. I will put you on a water-filled drum to torture you," sabi ng suspek.
"No, my Mom is already pooling the funds. Please wait," sagot ng biktima.
"Okay. I will wait until 12 midnight today or else I will pull your fingernails. One fingernail every hour," sabi ng suspek.
Humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad kaya naikasa ang operasyon laban sa mga suspek sa Diosdado Macapagal Avenue kung saan nahuli ang siyam na Tsino at isang Pilipino.
Nahaharap sila sa kasong kidnap for ransom.
Sinalakay din ng mga awtoridad ang hideout ng sindikato sa Cabuyao, Laguna kung saan naganap ang pagpapahirap sa biktima.
Sinugod din ng pulisya ang dalawang condominium units sa lungsod ng Parañaque kung saan nailigtas ang biktima.
Itinanggi naman ni Haichao ang mga bintang laban sa kaniya
Isinailalim na sa digital examination ang mga gadgets ng suspek upang matukoy kung sino pa ang mga nabiktima niya sa Pilipinas.
Patuloy na pinaghahanap ang isa pang Tsino at isang Pilipino na sangkot din daw sa krimen. —NB/FRJ, GMA News