Natimbog sa isang buy-bust operation ang isang call center agent na sangkot umano sa pagbebenta ng marijuana sa Antipolo City nitong Martes.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras, kinilala ang suspek na si Albert Mangapit, 25.
Nakuha sa kanya ang hinihinalang talbos ng marijuana o mas kilala sa tawag na top buds.
Ayon Anti-Illegal Drugs Unit ng Antipolo police, mas mahal daw ang ganitong klase ng marijuana at mas mabenta dahil kakaiba raw ang tama nito.
"Magaling din eh dahil 'yung mga kino-conduct niya 'yung mga medyo kabisado na niya. 'Yung isang asset nga natin ganon din nagumpisa... Ito yata 'yung ginagamitan nila ng pipe," sabi ni Superintendent Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo police.
Sabi ng suspek, sapat naman daw ang kinikita niya bilang isang call center agent pero naniniwala raw siyang marami siyang magagawa kung mas kikita siya ng malaking pera.
"There's a lot of things you can do about money and from that... maybe I can change the Philippines, run for politics," sabi ni Mangapit.
Dagdag pa niya, hindi raw dapat ipinipiit ang mga gaya niya dahil malinis naman daw ang kanyang intensyon.
"Advanced ako mag-isip, look at Antipolo... how much is the land area of Antipolo unused, good for farming marijuana. Marijuana can produce plastics that can decay in 90 days, marijuana can cure cancer," sabi ng suspek.
Samantala, humingi siya ng tawad sa kanyang magulang para sa krimeng kinasangkutan.
"Papa, I'm very sorry for what I've done. Again, I'm ashamed," sabi ni Mangapit.
Ayon naman kay Bannawagan, mga call center agents at mga mag-aaral ang karaniwang bumibili kay Mangapit.
"Hindi siya naka-list ito 'yung tinatawag namin na newly-identified siya, more on street pushing," sabi ni Bannawagan. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News