Arestado ang isang lalaki matapos daw siyang maglagay ng cellphone sa shorts na nakasampay sa banyo, para videohan ang hipag niyang naliligo sa Quezon City. Pero nakita ito ng biktima kaya kinuha ang cellphone na ikinagalit ng suspek.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nadakip ng mga awtoridad ang suspek sa labas ng isang mall sa Barangay Old Balara.

Bago nito, nag-usap ang suspek at biktima na magkita sa lugar, ngunit hindi alam ng suspek na entrapment operation na pala ito para sa kaniya.

Ayon sa biktima, nabisto niya ang paglalagay ng suspek ng cellphone sa kanilang banyo para makunan siya ng video habang naliligo.

Nang komprontahin ng mga awtoridad, patay malisya pa noong una ang suspek sa paratang sa kaniya. Pero kinalaunan ay napilitan din siyang isuko sa pulisya ang kaniyang cellphone.

Sa video, nakita ang suspek habang inihahanda niya ng pag-set up sa cellphone sa nakasabit na shorts sa banyo.

"Naliligo na 'yung babae, nag-alis na ng damit, naghubad. Napansin niya ngayon 'yung shorts may nakita siyang parang kung ano du'n sa short. Nu'ng i-play niya nakita niya naka-record siya," sabi ni Police Chief Inspector Ferdinand Parinas, Deputy Station Commander, QCPD Station 6.

Sumbong ng biktima sa mga pulis, tinakot siya ng suspek sa pamamagitan ng mga text messages, at nagsabing ipakakalat nito sa social media ang video niya na nakahubad kung hindi ibabalik ang cellphone.

Nagsampa ng kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act laban sa suspek ang mismong mga kapatid ng biktima.

Todo-tanggi ang suspek sa paratang. "Ay hindi po, hindi ko po 'yun magagawa!" kaniyang saad.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa dalawa pang cellphone ng biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag ang biktima. —Jamil Santos/NB, GMA News