Ang Centurion Festival ng bayan ng General Luna sa Quezon ay bahagi ng paggunita ng Mahal na Araw.
Ang Centurion ay hango sa bibliya na ang ibig sabihin ay opisyal ng mga sundalong Romano.
Ayon sa mga taga General Luna, Quezon, mahigit 100 taon na itong isinasagawa sa bayan, mas matanda pa nga raw ito sa Moriones ng Marinduque.
Pumarada ang mga residente na suot ang mga maskara at kasuotan na halintulad sa sundalong Romano ngayong Lunes Santo sa buong bayan ng General Luna.
Ang mga kabataan, dahil may kamahalan ang costume, ay gumawa ng sariling bersyon ng costume. Gumupit sila ng mga makukulay na papel at ginawa nilang costume.
Ayon kay Jonah na isang kabataang sumasali sa Centurion Festival, ginagawa raw niya ito bilang panata at pasasalamat sa mga biyaya na kanyang natatanggap.
Matapos ang masayang parada ng Centurion ay nagtungo sa simbahan ang mga sumama sa prosesyon upang basbasan ng pari.
Ipinaliwanag rin ng Pari ang kahalagahan ng kanilang ginagawa. Hindi lang raw ito basta festival, ito raw ay isang paraan upang maipakita ang pagkakaisa ng mga taga General Luna paghihirap ni Kristo at pasasalamat sa mga biyayang natanggap.
Nagkaroon rin ng pagsasadula sa pagpapahirap kay Kristo at pagkamatay niya sa krus.
Tatagal hanggang Linggo ng pagkabuhay ang Centurion Festival. — BAP, GMA News