Isang magnitude 6.3 na lindol ang yumanig sa Luzon nitong Biyernes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Naitala ang sentro ng lindol sa Lian, Batangas, at may lalim na 173 kilometers.
Naramdaman ang Intensity IV sa Maynila; Calapan, Mindoro; Subic, Zambales; Rosario, Cavite; at Sablayan, Oriental Mindoro.
Intensity III sa Pateros; Quezon City; Makati City; Malolos, Bulacan; Cainta, Rizal; Calamba, Laguna.
Intensity II sa Magalang, Pampanga at Tanauan City, Batangas, habang Intensity I sa Talisay, Batangas.
Ayon kay PHIVOLCS chief Renato Solidum, ang lindol ay bunga ng paggalaw ng Manila Trench.
"Ang pagyanig kanina ay isang lindol na dulot ng tinatawag na pagkilos along the Manila Trench. Ang lindol po ay malalim, 161 kilometers, kaya marami din po ang nakaramdam," paliwanag ng opisyal.
Asahan umano ang mga aftershock.
"Posible naman magkaroon ng aftershocks pero remember itong lindol ay malalim kaya hindi siya masyadong destructive," dagdag niya.
Paghahanda
Mula noong 2015, nagsasagawa na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng mga metro-wide "Shake Drill" para ihanda ang mga tao sa Metro Manila sa malakas na lindol.
Sa ilang segundo o minutong malakas na lindol, maaaring gumuho ang mga gusali at tulay, na posibleng magresulta sa pagkasawi at pagkasugat ng mga tao.
Sa mga ganitong pangyayari, nais ng MMDA na maging handa ang publiko sa tamang pagkilos na dapat na gawin upang maiwasan ang pinsala sa buhay.
Bukod sa mga pagsasanay, nagpapakalat din ng mga impormasyon ang ahensiya tungkol sa mga kailangang paghahanda tulad ng larawan sa ibaba.
Maaari ding makita kung gaano kalapit ang iyong lugar sa West Valley Fault sa pagbisita sa website na Tremors.
-- FRJ, GMA News