Nasa 2,400 tao sa Cavite, nahatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sa Rosario, Cavite naman naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation.

Nasa 2,400 tao sa Cavite, nahatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Nasa general community quarantine na ang malaking bahagi ng Cavite, pero marami pa rin ang apektado ang kita dahil dito.

Kaya naman minabuti ng GMA Kapuso Foundation na maghatid ng tulong sa 2,400 tao sa Rosario, Cavite.

Namahagi ang GMA Kapuso Foundation dito ng fully loaded Kapuso grocery packs, frozen Chickenjoy packs, tinapay, biskwit, sabong panligo at panlaba.

Katuwang pa rin sa pamamahagi at maging sa pagre-repack ang 2nd Infantry Division at 202nd Infantry Battalion ng Philippine Army, at 730th Combat Group ng Philippine Air Force.

Naging posible ito dahil sa mga donasyon mula sa Gardenia Bakeries Phils. Inc., Nissin Wafer, Mondelez Philippines Inc., Nestle Philippines, Century Pacific Food, Inc., at iba pang donors.

 

Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa enhanced community quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.

Maaari din bumili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shoppee at Zalora, mag-convert ng Metrobank credit card rewards points, o gumamit ng PayMaya para mag-donate sa GMA Kapuso Foundation.