TV

Villa Quintana: The Original vs. The Remake

Updated On: February 27, 2020, 09:30 AM
1995 nang una nating napanood ang Villa Quintana sa GMA. Ngayong Nobyembre muli nating mapapanood ang kuwento nina Isagani at Lynette sa katauhan nina Elmo Magalona at Janine Gutierrez. Alamin mula sa cast at sa head writer nito, na si RJ Nuevas kung ano ang kaibahan ng original sa remake ng Villa Quintana.

1995 nang una nating napanood ang Villa Quintana sa GMA at tumagal ito nang halos isang taon. Bumida sa mid-90s hit tv series na ito ang tambalang Donna Cruz at Kempee De Leon. Kasama rin sa show ang ngayo’y mga veteran actors na tulad nila Joel Torre, Chanda Romero at Pen Medina.

Makalipas ang maraming taon, muling ibinabalik ng GMA ang kuwento ng pag-iibigan nila Lynette Quintana at Isagani Samonte sa katauhan nila Elmo Magalona at Janine Gutierrez.

Sa ginanap na press conference ng nasabing show, tinanong ng marami kung ano ba ang kaibahan ng original na Villa Quintana sa remake nito.

Ayon sa head writer na si RJ Nuevas, isa sa mga pagkakaiba ay ang mga tao sa kuwento. “May mga nadagdag na characters like yung kay Kyla, walang Ruby dati. Saka yung Chito wala dati. Nagdagdag ako ng mga characters ngayon at nagbawas din. May mga natanggal na characters from the past at mayroon ding nadagdag ngayon.”

Pero paliwanag ni Nuevas, hindi naman daw mawawala ang spirit ng original na Villa Quintana. Naroon pa rin daw ang struggle sa pagmamahalan ng isang mayaman at mahirap na minana ng mga anak. Ito pa rin daw ang pinaka-buod ng kuwento.

Ayon naman kay Roy Alvarez na gaganap bilang Don Manolo Quintana, mahihirapan daw maikumpara ang dalawa dahil magkaiba raw ang direktor nito. “Sabi nga nila, magbigay ka ng limang direktor, lima rin ang interpretasyon.”

Biro naman ni Raymart Santiago, malaki raw ang pagkakaiba ng character niya bilang Felix Samonte dahil puti raw ang buhok ni Pen Medina doon sa original. Dagdag pa sa biro niya, “sabi ni Direk, magputi kang buhok. Sabi ko, hindi direk, kailangan hindi ko gayahin si Pen Medina.”

Kuwento naman ni Elmo, nagsusumikap daw ang kanilang direktor na si Gina Alajar na ilayo ang image ng original sa remake ng soap. Lagi raw sinasabi ng kanilang direktor na huwag alalahanin ang original dahil may bagong treatment ito at hindi basta isang remake lamang. Si Gina Alajar din ang nag-direk sa remake ng katatapos lang na Anna KarenNina na naging matagumpay at tinangkilik ng viewers.

Nang tanungin naman si Janine kung ready ba silang maikumpara sa original, “sa tingin ko nagsisilbing inspirasyon na lang sa’min yung success ng orihinal, na galingan din namin saka patunayan namin yung kakayanan ng mga characters namin at ng buong show,” sagot niya.

Alamin kung anu-ano ang mangyayari sa pilot week ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.