Joyce Ching, nagulat sa finale ng 'Dormitoryo'
Noong Linggo, nasaksihan ng lahat kung sino ang tunay na killer sa loob ng dormitoryo. Ikinagulat ng lahat na malaman na si Airiz de Ocampo ang pumapatay sa kapwa niya estudyante sa Holy Spirit Manor.
Isa sa mga nagulantang sa takbo ng istorya ay si Joyce Ching na gumaganap sa pagkatao ni Airiz.
“Hindi ko inexpect kasi kontrabida ako,” sabi niya.
Dagdag pa niya, “’Yong ‘Dormitoryo’ kasi na script, sobrang kakaiba talaga siya. ‘Huh!’ napapaganun ako sa lahat ng eksena. Iniisip ko noon baka hindi ako.”
Inakala niya na dahil kontrabida ang kanyang naging role ay hindi na siya ang gagawing killer ngunit iba pala ang dapat abangan ng mga manunuod sa kanyang karakter.
“’Yung character ko , si Airiz, parang inosente naman siya. Masama lang siya na inggitera pero parang wala naman siyang alam sa mga patayan.”
Ayon kay Joyce, nakakabitin daw ang finale ng’Dormitoryo’ at maski siya ay nagtatanong kung may kasunod pang mangyayari pagkatapos nito.“May mangyayari pa ba? Sana magkaroon ng season two.”
Nang makpanayam ng GMANetwork.com si Joyce sa last taping day nila sa Tagaytay, ibinahagi niya sa amin ang mga bagay na sobra niyang mamimiss sa show.
“’Yung buong cast, siyempre. Ito ‘yung show namin na every taping may libreng pagkain, may libreng kung ano-ano lagi. Every taping talaga 'di nawawala. ‘Yung mga nanlilibre rito walang pilitan,” ang kanyang pag-alala sa mga bonding moments nila ng kanyang co-stars.
Kwento pa niya, “Meron kaming tatlong standby areas pero nagsisiksikan kami pilit doon sa isang standby area na wala namang aircon.”
Para kay Joyce, ito ang pinaka-memorable show niya dahil ito rin ang kanyang kauna-unahang suspenserye.
“Sobra kasing kakaiba para sa akin, sobrang kakaiba ‘yung story, sobrang kakaiba rin ‘yung character ko kaya sobrang mamimiss ko.”
Ano-ano pa ba ang mga dapat abangan sa finale ng ‘Dormitoryo’?
“Maaaring isa o maaaring dalawa ang mamamatay. Maaaring din walang magsusurvive. Abangan niyo! Sobrang nakakagulo ng utak.”
Huwag palampasin ang huling linggo ng Dormitoryo pagkatapos ng Sunday All Stars! Para sa mga updates ng paborito niyong Kapuso shows at stars, mag-log on sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.