Dingdong Dantes at Dennis Trillo, excited na makasama ang isa't isa sa 'Cain at Abel'
Pagkatapos ng halos 10 taon, muling magsasama sa isang teleserye sina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Kapuso Drama King Dennis Trillo. Gaganap silang magkapatid sa primetime series na Cain at Abel.
IN PHOTOS: A first look at the cast of 'Cain at Abel' starring Dingdong Dantes and Dennis Trillo
Hindi naitago ng dalawa ang kanilang excitement sa proyektong ito nang makapanayam ng GMA sa kanilang story conference nitong Biyernes, August 10.
"Ngayon lang ulit [kami nagkatrabaho]. 'Yung huli naming ginawang proyekto, mga 10 years ago na, Endless Love pa. Excited ako, at siyempre sobrang proud ako na makakasama ko ang Kapuso Primetime King. Ang saya ko lang na nagkaroon ako ng ganitong project, ang sarap ipagmayabang na 'Ano next show mo? Kasama ko si Dingdong Dantes,'" kuwento ni Dennis, na kagagaling lamang sa bakasyon sa Cambodia.
Si Dong naman, masaya na sa kanila ni Dennis napunta ang bigating roles. "Sa pagkakaalam ko kasi, ang konseptong ito ay matagal na sa GMA. Puwedeng ibigay 'to sa ibang artista in the past, and I think inaantay talaga ang tamang panahon para kami ni Dennis ang gumanap. Masayang-masaya ako dahil matagal na ang huling pagsasama namin ni Dennis, and mas maganda ngayon dahil magkapatid kami."
Kasama rin sa Cain at Abel sina Sanya Lopez, Solenn Heussaff, Chanda Romero, Eddie Gutierrez, Ronnie Henares, Boy2 Quizon at Carlo Gonzalez, sa direksyon nina Mark Reyes V at Don Michael Perez.