WATCH: DonEkla, nagkuwento kung paano nabuo ang kanilang tandem sa 'Wowowin'
Paano nabuo ang DonEkla?
Patok na patok ang jokes ng tambalang DonEkla nina Donita Nose at Super Tekla sa Wowowin. Sa katunayan, kahit sa panayam nila sa 24 Oras ay hindi pa rin sila nagpapigil sa pagpapatawa habang nagkukuwento kung paano nga ba nagsimula ang funny tandem nila.
Hindi raw inasahan ng DonEkla ang naging mainit na pagtanggap sa kanila sa programa ni Willie Revillame.
Ani Super Tekla, “Hindi ko akalain na ganun ang response. Napaka.. Sub. Ikaw naman, ‘tol.”
“Million ‘yung views ‘di ba. Alam mo kung [‘yung] milyon na ‘yun, pera, mas matutuwa kami,” hirit naman ni Donita Nose.
Muntik pang hindi mabuo ang tambalan nila dahil dati ay nagdalawang-isip pa si Super Tekla, Romeo Librada sa totoong buhay, na sumali sa Wowowin. Si Donita Nose daw ang nagkumbinse sa kanya na subukan ang hosting.
READ: Super Tekla, regular nang mapapanood sa 'Wowowin'
“Tatlong beses ko ini-snob ang Wowowin. Kasi sabi ko, ‘I’m not prepare. Basta, hindi ako handa,” kuwento ni Super Tekla.
“Panghawakan mo na ‘yan, ayusin mo na, galingan mo pa. Para at least alam ko na may mararating ka,” pag-ulit ni Donita Nose sa kanyang ibinigay na payo.
Hindi nagtagal ay na-develop naman ang kanilang chemistry at nagsimula na ang kanilang funny tandem.
“Ako ‘yung gumagawa ng kuwento. Ito ‘yung story natin ngayon so ako ‘yung [magsisimula]. Ngayon ang maganda sa kanya, sumasagot siya. Nasasakyan niya,” bahagi ni Donita Nose.
“Ako ‘yung nagbabato. Nagbabato?,” dagdag ni Super Tekla.
Ang kanilang hatid na pagpapatawa, minsan ay mala-teleserye kung saan si Donita Nose ang kontrabida. Ngunit paglilinaw niya, “Kung minsan ‘yung mga tao, nami-misinterpret nila talaga ‘yun. Akala nila inaapi ko talaga siya, na sinasabihan ko siya ng ‘pangit.’ Ganoon. May mga ganoon pero wala ‘yun, trabaho lang talaga ‘yun.”
“Alam ko namang pangit ako. Kailangan bang i-remind pa in front of many people? Puwede mo naman akong i-text ah,” dugtong ni Super Tekla.
Dahil sa ibinigay na tiwala sa kanya ni Kuya Wil, ay malaki raw ang utang na loob ni Super Tekla sa Wowowin host at pati na rin sa mga taong napapasaya niya. Malaki rin daw ang ipinagbago ng buhay niya dahil sa oportunidad na ito.
Hirit ni Super Tekla, “Dati ‘yung nagagawa ko ‘yun, ngayon hindi na, like sumasakay ako ng MRT, ng jeep.”
“Uy, hindi ‘yun ‘yung normal mong buhay. ‘Yung normal niyang buhay dati, ‘yung pangho-holdap, pang-i-snatch. Hindi na niya magawa kasi kilala na siya,” muling biro ni Donita Nose.
Video courtesy of GMA News
MORE ON DONITA NOSE AND SUPER TEKLA:
WATCH: Funny video ni Donita Nose at Super Tekla, may halos 3M views na